339 total views
Humiling ng tulong ang Archdiocese of Jaro sa national government para masugpo ang mabilis na pagkalat ng coronavirus sa lugar.
Sa liham ni Archbishop Jose Romeo Lazo na ipinadala kay IATF Chairman at Department of Health Secretary Francisco Duque III at Vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr inilahad ng arsobispo ang malaking kakulangan sa manpower at medical supplies sa lalawigan para tugunan ang tumataas na kaso ng mga nahawaan ng COVID-19.
“We are asking your good offices for support – nurses, COVID medicines, beds, ventilators and vaccines. The hospitals are hitting maximum capacity and the health care related debts are swelling,” bahagi ng liham ni Archbishop Lazo.
Kinilala ng arsobispo ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga opisyal ng pamahalaan sa pagtugon sa pandaigdigang krisis pangkalusugan kaya’t pinasalamatan nito ang pagsusumikap na mawakasan ang pandemya at matugunan ang pangangailangan ng mamamayan.
Sa monitoring ng Iloilo City Government nasa 3, 535 ang kabuuang kaso ng nahawaan ng COVID-19 sa lungsod kung saan 1, 765 ang aktibong habang 79 ang nasawi.
Naniniwala si Archbishop Lazo na malaki ang maitutulong ng mga tanggapan ng national government lalo na nina Duque at Galvez para mapigilan ang higit na pinsala dulot ng virus sa mamamayan.
“In your respective posts of public duty, many things can be done and great difference can be made for our brothers and sisters who are struggling in the hospitals as of this writing. We knock at heaven’s door for mercy and help,” ani Archbishop Lazo.
Sakop ng arkidiyosesis ang Iloilo City, lalawigan ng Iloilo at Guimaras kung saan nasa 2.2 milyon ang bilang ng mga katoliko o katumbas sa mahigit 80 porsyento sa 2.7 milyong populasyon.
Nang magsimula ang pandemya noong 2020, puspusan na ang pagkilos ng arkidiyosesis sa pangunguna ng social action center para tulungan ang mga labis naapektuhan ng iba’t ibang antas ng community quarantine.
Pinasalamatan naman ni Iloilo City Mayor Jerry Trenas si Archbishop Lazo at ang pamunuan ng arkidiyosesis na aktibong nakikiisa sa kampanyang sugpuin ang paglaganap ng virus sa kanilang lugar.
Patuloy ang panawagan ng arsobispo sa mananampalataya na higit kumapit sa pag-asang hatid ng Panginoong Hesus sa bawat isa at patuloy na manalangin para sa kaligtasan ng mamamayan sa banta ng COVID-19.