467 total views
Nagpaabot ng pagbati ang Archdiocese of Jaro sa bagong halal na pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David.
Sa pangunguna ni Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo ay tiniyak ng buong arkidiyosesis ang suporta sa bagong misyon at tungkulin ni Bishop David bilang pangulo ng kalipunan ng mga Obispo sa Pilipinas.
Bukod sa suporta tiniyak rin ng Archdiocese of Jaro ang pananalangin para sa Obispo na kasalukuyang nagsisilbi bilang Vice President ng kalipunan sa loob ng dalawang termino o apat na taon.
“Archbishop Jose Romeo O. Lazo, D.D. and the faithful of the Archdiocese of Jaro congratulate His Excellency, Most Rev. Pablo Virgillo S. David, D.D. Bishop of Kalookan, in his election as the new CBCP President! We assure him of our prayers and support in his new mission in the Catholic Church in the Philippines. Our cordial greetings and prayers on your election, Bishop Ambo!” Ang bahagi ng pagbati ng Archdiocese of Jaro.
Samantala, hinirang naman na Vice President ng CBCP si Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara na kasalukuyang kasapi ng CBCP Permanent Council.
Naihalal ang bagong president at vice president ng CBCP kasabay ng unang araw ng virtual plenary assembly ng kalipunan ng mga Obispo na binubuo ng may 130-Obispo mula sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa.
Pormal namang magsisimula ang dalawang taong panunungkulan ng mga bagong halal na opisyal ng kalipunan sa unang araw ng Disyembre ng kasalukuyang taong 2021.