15,352 total views
Pinangunahan ni Jaro Archbishop Jose Romeo Lazo ang paglagda at pagtanggap ng certificates of transfer and acceptance sa dalawang restoration projects ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa convent at ceiling paintings ng Sta. Ana Parish Church sa Molo, Iloilo City.
Naganap ang turn-over ceremony noong ika-8 ng Setyembre, 2024 kasabay ng Feast of the Nativity of the Blessed Virgin Mary sa pangunguna ni NHCP Chairperson Regalado Trota Jose, Jr. saksi ang iba pang mga opisyal ng Arkidiyosesis ng Jaro, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas at lokal na pamahalaan ng Iloilo City.
Ayon sa Arkidiyosesis ng Jaro, ang pagsasaayos sa Molo Convent ay maituturing na pagkilala at pagbibigay halaga sa mayamang pamana at mahalagang ambag ng kumbento sa kasaysayan at pagkakakilanlan ng komunidad ng Molo na saksi sa pag-unlad ng lugar sa kabilang ng iba’t ibang pagsubok ng panahon.
“It was indeed a celebration of the rich heritage and historical significance of the Molo Convent, a symbol of the community’s identity and a testament to their shared history. This structure has stood the test of time, witnessing the evolution of the society and serving as a beacon of a collective memory.” Bahagi ng pahayag ng Arkidiyosesis ng Jaro.
Sinabi ng arkidiyosesis na ang pagsasaayos at muling pagpapanumbalik ng Covento de Molo ay upang mapanatili at maipagpatuloy ang pagpapahalaga sa mga kwento at tradisyon ng mga nakalipas na henerasyon upang maipasa at magsilbing inspirasyon sa mga susunod pang henerasyon.
“The restoration of the Convento de Molo is a way of preserving the legacy of our past while embracing the future. It reflects our commitment to valuing and protecting our heritage, ensuring that the stories and traditions of our ancestors continue to inspire and educate generations to come.” Dagdag pa ng arkidiyosesis.
Ang restoration sa ceiling paintings ng Sta. Ana Parish Church at Molo Convent ay kapwa isinakatuparan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa ilalim ng 2023 Locally Funded Projects nito sa pamamagitan ng Historic Preservation Division and Materials Research Conservation Division.
Ang Molo Church ay unang itinatag noong 1831 na inilaan sa pamimintuho kay Saint Anne kung saan ang kasalukuyang istruktura nito ay natapos noong 1888.
Nagsilbi rin ang Simbahan bilang isang evacuation center noong World War 2 na dahilan upang magtamo ito ng malaking pinsala na naisaayos at napanumbalik sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagsusumikap ng mga mamamayan ng komunidad ng Molo.
Taong 1992 ng idineklara ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang Simbahan bilang isang National Historical Landmark sa lugar.