423 total views
Naglabas ng panuntunan ang Archdiocese of Lipa para sa mga parokya na muling tumanggap ng mga evacuees matapos itaas sa alert level 3 ang bulkang taal.
Batay sa gabay na inilabas ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission o LASAC, hinikayat nito ang mga parokya na maglaan ng silid para mga pamilyang posibleng mapalikas.
Pinaalalahan ang mga parokya sa pagpapatupad ng mga health guidelines at protocols kasabay ng pagtanggap sa mga evacuees.
Sinasabing dapat ay may 20 metro kwadrado na pagitan ang bawat pamilya na may 3 hanggang 5 miyembro habang inatasan din ang mga Simbahan na maglaan ng maayos na palikuran at sanitation booth.
Kaugnay nito, pinayuhan din ng Arkidiyosesis na maghanda ang mga Parokya ng sapat na food and non food items at nakahandang tumugon ang tanggapan ng LASAC sakaling magkaroon ng kakulangan nito.
Samantala, nakatutok at naka antabay ngayon ang Simbahan sa mga posibilidad na maaring maging epekto ng pag-aalburoto ng bulkang Taal.
Una nang binuksan para sa mga evacuees ang parokya ng Our Lady of Miraculous Medal sa Agoncillo, Batangas. Batay sa datos nasa 14,000 residente na ang apektado ng paglikas mula ng itaas ng PHILVOCS ang alert level 3 sa bulkan.
Magugunitang Enero ng taong 2020 nang huling pumutok ang bulkang taal kung saan tinatayang nasa mahigit 235,655 na pamilya ang naapektuhan.