379 total views
Labis na nagpapasalamat ang Archdiocese of Lipa sa mga tulong na kanilang natatanggap para sa mga naapektuhan ng pagliligalig ng Bulkang Taal.
Ayon kay Lipa Social Action Director Rev. Fr. Jayson Siapco, sila ay nagagalak sa patuloy na malasakit ng mga kapanalig na nagbabahagi ng kanilang tulong mula pa nang unang pumutok ang Bulkang Taal hanggang sa kasalukuyan.
Naniniwala si Fr. Siapco na lalo pa nilang kakailanganin ang pagtutulungan na ito sakaling lumala ang sitwasyon sa Bulkang Taal kung saan sa kasalukuyan ay nakataas ang alert level 3.
“Mga kapanalig, alam po namin na kayo ay unang mga kapanalig namin na dumadamay sa amin, unang nagmalasakit sa Archdiocese of Lipa noong isang taon at alam ko ngayon patuloy pa din kayo sa pagdamay sa amin sa mga sitwasyon na ito, kaya ako una ay nagpapasalamat sa inyo at ikalawa nananawagan sa mga patuloy na tulong,” pahayag ni Fr. Siapco.
Inihayag ng Pari na bukas ang kanilang tanggapan para sa anumang tulong na nais ipahatid sa mga residente na inilikas dahil sa banta ng bulkan.
“Pwede nyo po kami ulit padalhan ng mga tulong mula sa inyong mga pagsisikap at sakripisyo para sa ating mga kapatid na nasa evacuation center at maaaring maapektuhan pa ng Bulkang Taal. Tayo ay naghahanda at sa ating paghahanda tulad ng sinasabi ng mga government agencies we are expecting for the worst situation sapagkat ang sitwasyon po ng taal ay hindi maganda kaya’t puspusan ang paghahanda at pagtulong ng iba’t ibang ahensya kasama na din ang iba’t ibang diyosesis at ahensya ng simbahan,” pahayag ng tagapamuno ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission.
Tiniyak naman ni Fr. Siapco ang suporta at pagdarasal ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera para sa mga naapektuhan ng pagliligalig ng Bulkang Taal.
Nagpapasalamat aniya ito sa mga tulong at panalangin na kanilang natatanggap mula sa mga kapanalig.
Batay sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Batangas, higit sas 1,252 na mga pamilya ang nananatili ngayon sa mga evacuation centers habang nasa 2,531 na pamilya ang pansamantalang nakituloy sa kanilang mga kamag-anak.