170 total views
Sa pagkakatalaga ni Pope Francis kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle bilang Prefect of the Congregation for the Evanglization of People’s o kilala rin bilang Prefect of the Propaganda Fide ay inaasahang iiwan na niya ang Archdiocese ng Manila.
Ayon kay Fr. Greg Gaston, rector ng Pontificio Collegio Filipino at correspondent ng Radio Veritas sa Roma, ang bagong tungkulin ni Cardinal Tagle ay nakabase sa Roma at nakasasakop sa mas malaking responsibilidad na paghahayag ng pananampalataya at ng misyon ng simbahan sa buong mundo.
“Ibig sabihin dito na siya titira ngayon sa Vatican. Sa Rome, wala naman siyang bilocation. Kaya ipagdasal natin siya sa kaniyang bagong tahanan sa Roma,” ayon kay Fr. Gaston sa panayam ng Radio Veritas.
Papalitan ni Cardinal Tagle si Cardinal Fernando Filoni na nangasiwa sa kongresasyon simula noong 2011 na itinalaga ni Pope Francis bilang Grand Master ng Order of the Holy Sepulcher.
Bukod sa bagong posisyon, si Cardinal Tagle ang siya ring pangulo ng Caritas Internationalis at Catholic Biblical Federation.
“Depende na ‘yan sa Santo Papa, puwede naman yan na ituloy nya, unless ang Santo Papa ay maglagay ng mga bagong in-charge,” dagdag pa Fr. Gaston.
Ang Vatican ay may pangunahing 9 na kongregasyon na maihahatulad bilang ‘cabinet position’ kasama na dito ang tanggapan ng evangelization of peoples.
Si Cardinal Tagle ang ika-32 arsobispo ng Maynila na una na ring nagsilbi bilang obispo ng Imus.
Itinalaga bilang Cardinal taong 2012 ng noo’y si Pope Benedict XVI.
Ang Congregation for the Evangelization of Peoples ang nangangasiwa sa pagpapalaganap ng pananampalataya sa buong mundo na itinatag noong 1622 ni Pope Gregory XV.