373 total views
Ipinagpapaliban ng lahat ng mga parokya sa Metro Manila ang pagdaraos ng pampublikong Misa hanggang sa August 20.
Ito ay kaugnay na rin sa ipinatutupad na mahigpit na panuntunan ng community quarantine sa National Capital Region.
Simula kahapon hanggang August 5, umiiral ang general community quarantine with heightened restrictions sa NCR at anim na pang mga lalawigan.
Sa August 6 hanggang 20, ipinag-utos ng Inter-Agency Task Force ang pinakamahigpit na quarantine status, ang Enhance Community Quarantine (ECQ).
“Starting tomorrow, July 31, virtual Masses only until August 20, except for funeral and wake Masses with limited people. Baptisms and weddings should also be rescheduled,” ayon kay Fr. Reginald Malicdem, Chancellor ng Archdiocese of Manila.
Bagama’t pinapayagan ang Misa at pagbabasbas para sa mga patay, limitado lamang ang papayagang makadalo.
Sa ilalim ng ECQ, limitado ang papayagan makalabas ng tahanan kabilang na ang pagbili sa mga pangunahing pangangailangan at serbisyo.
Bukod sa Archdiocese of Manila, naglabas na rin ng mga pabatid kaugnay sa pagbabawal ng pagdiriwang ng pampublikong misa ang mga Diyosesis ng Cubao, Novaliches, Pasig, at Paranaque.
Ang mga mananampalataya ay hinikayat na pansamantalang makiisa sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa pamamagitan ng live streaming sa social media tulad ng Facebook at YouTube.
Apat na online Masses naman ang mapapakinggan sa Radio Veritas 846 at mapapanood sa official Radio Veritas Facebook page na Veritas846.ph tuwing alas-6 ng umaga, alas-12 ng tanghali, alas-6 ng gabi at alas 12-ng hatinggabi.