5,574 total views
Ipinag-utos ng Arkidiyosesis ng Maynila ang pagsasagawa ng second collection sa lahat ng misa sa Sabado, October 26, at Linggo, October 27, bilang tugon sa pangangailangan ng mga biktima ng Bagyong Kristine, kung saan matinding napinsala ang Bicol Region at Quezon Province.
Sa Circular No. 2024-75 na inilabas ni Manila Archbishop Jose Cardinal. Advincula, hiniling niya sa lahat ng pari, team ministry moderators, mga rectors, at chaplains sa Arkidiyosesis na makiisa sa gawaing ito bilang pakikiisa sa mga nasalanta.
“My heart and prayers go out to all those affected by Typhoon Kristine particularly in Bicol Region and Quezon Province. We extend our sincere gratitude to the churches and homes that opened their doors to accommodate those affected. The solidarity among Christians is deeply felt in times like these,” pahayag ni Cardinal Advincula.
Inaasahang lahat ng makokolekta sa ikalawang koleksyon ay direktang ilalaan para sa agarang tulong sa mga nasalanta, kabilang na ang pagkain, tirahan, at iba pang pangunahing pangangailangan.
Sa bagong kautusan, ipinagpaliban ang koleksyon para sa Prison Awareness Sunday sa November 3, 2024.
Ang mga pondong malilikom ay dapat isumite sa Accounting Office ng Arzobispado de Manila bago o hanggang 30 Oktubre 2024.
Sa gitna ng trahedyang dulot ng Bagyong Kristine, umaasa si Cardinal Advincula na patuloy na maipadama ng mga Katoliko ang malasakit at pagtulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagkakawanggawa.
Una na ring naglabas ng P1.2 milyong piso ang Caritas Manila bilang paunang tulong para sa mga diyosesisi sa Bicol na labis na nasalanta ng bagyo.
Makakatanggap ng tig-P200,000 ang Archdiocese of Caceres; mga diyosesis ng Libmanan; Virac; Legazpi, Daet; at Sorsogon.