229 total views
April 3, 2020, 10:39AM
Ikinalulungkot at nagpahayag ng pakikiramay ang Archdiocese ng Maynila sa pagpanaw ng isang seminarista dahil sa corona virus disease o COVID-19.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo, Apostolic Administrator ng Maynila, pumanaw si Rev. Noeh Lombo, 41-taong gulang at 2nd year theology student ng Redemptorist Mater Seminary.
Si Lombo ay dalawang linggong ginagamot sa Philippine General Hospital (PGH) at sumakabilang buhay noong April 1.
“Siya po ay nasa ospital ng dalawang linggo, pero di naagapan kahit na nasa ospital na siya. Namatay po siya sa PGH. So, ipadasal po natin siya at pamilya nya rin,” ayon kay Bishop Pabillo.
Nanawagan naman obispo ng panalangin para sa nasawing semarista gayundin sa lahat ng mga nasawi dulot ng virus.
Mula sa 2,633 nagtataglay ng virus, 107 katao na ang nasawi.
May 51 katao naman na nagtataglay ng virus ang gumaling mula sa karamdaman, kabilang na dito ang 29-katao na nakalabas na mula sa Makati Medical Center ayon na rin sa pahayag ni Dr. Saturnino Javier.
Kabilang din sa gumaling mula sa COVID-19 si Dr. Evalyn Macasaet bagama’t una na ring binawian ng buhay dulot ng parehong sakit ang kaniyang asawang si Dr. Greg Macasaet.
Sa kabuuan ay hindi bababa sa 17 mga doktor sa Pilipinas ang nasawi dulot ng pandemic.