316 total views
Inihayag ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na nakahanda na ang arkidiyosesis sa pagdating ni Archbishop-elect Cardinal Jose Advincula.
Sa isinagawang press briefing nitong Hunyo 16 inilahad ni Bishop Pabillo na bukod sa pisikal na paghahanda ay nagsagawa rin ng spiritual preparations sa pagdating ng bagong arsobispo sa pamamagitan ng katesismo.
“Tayo ay nagpapasalamat sa Diyos na sa wakas nabigyan na tayo ng isang shepherd para sa archdiocese; pinaghahandaan natin ang pagtanggap sa archbishop sa pamamagitan ng 9 days preparation, ipinagdarasal natin ang ating bagong archbishop; this is a spiritual activity at mayroon din itong mga katekesis,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo.
Paliwanag ng tagapangasiwa ng arkidiyosesis na ipinaliliwanag sa katesismo ang ‘role’ ng arsobispo sa pangangasiwa ng arkidiyosesis, ang gawain ng isang cardinal, ang responsibilidad ng mananampalataya sa pagtanggap ng bagong pastol at ang buhay pagmimisyon ni Cardinal Advincula.
Itinalaga ng arkidiyosesis ang Hunyo 15 hanggang 23 para sa 9-day novena kng saan sa huling araw ay magsasagawa ng pagtatanod sa Banal na Sakramento sa mga parokya na sakop ng archdiocese para paghandaan ang solemn installation ni Cardinal Advincula sa umaga ng June 24.
Dahil sa community quarantine status sa Metro Manila nanatiling limitado ang bilang at kilos ng mamamayan na dadalo sa pagtatalaga ng bagong arsobispo kaya’t hinikayat ni Bishop Pabillo ang mamamayan na sundan sa mga social media platforms ang pagdiriwang.
“Dahil limited tayo dahil sa pandemic, hindi po basta-basta sino ay makakapunta; kaya ang pakiusap natin sa mga tao ay sundan nalang tayo sa mga livestreaming sa ating social media platform ng archdiocese,” ani Bishop Pabillo.
Ayon naman kay Fr. Reginald Malicdem, Rector ng Manila Cathedral at Chancellor ng arkdiyosesis, 400 indibidwal lamang ang pinahihintulutan sa loob ng simbahan upang mapanatili safety protocol lalo na ang physical distancing.
Pangunahing panauhin na makapapasok sa loob ng katedral ang mga pari ng Archdiocese of Manila at Archdiocese ng Capiz, mga kaanak ni Cardinal Advincula at mga opisyal ng national at local government.
Magsisimula ang seremonya ng pagtanggap kay Cardinal Advincula sa makasaysayang Postigo Gate ng Intramuros sa pangunguna ni Manila Mayor Francisco Domagoso, susunod naman ang pakikipagkita ng cardinal sa mga alkalde ng Manila, San Juan, Pasay, Mandaluyong, at Makati sa Ayuntamiento o kasalukuyang tanggapan ng Bureau of Treasury.
Alas nuwebe ng umaga isasagawa ang seremonya ng pagtanggap sa pinto ng Manila Cathedral bago ang pagdiriwang ng Banal na Misa.
Ayon kay Fr. Carmelo Arada ng liturgical commission office ng RCAM hiling din ni Cardinal Advincula na mag-alay ng bulaklak at panalangin ng pagtatalaga sa imahe ni San Jose batay sa nakasaad sa Patris Corde ni Pope Francis noong idineklara ang Year of St. Joseph.
Pangungunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang pagtatalaga kay Cardinal Advincula.