371 total views
Naniniwala ang Archdiocese of Manila Office on Persons with Disability o AMO-PDM na panahon na para mas pag-ibayuhin ng mga Simbahan sa Pilipinas ang kanilang programa para sa mga mananampalataya na mayroon kapansanan.
Sa panayam ng programang Caritas in Action kay Elisa Flormata program coordinator ng AMO-PDM, sinasabi nito na mahalaga ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga PWD’s na tumanggap ng iba’t-ibang serbisyo ng Simbahan.
Ipinaliwanag ni Flormata na marami sa mga Parokya o Simbahan ang hindi pa sapat ang kakayanan na magsagawa ng mga programa gaya ng sign language interpretation sa mga misa at pagbibigay ng formation at catechist sa mga PWD’s. “mas pinaiigting natin yun programa natin lalo na sa paghihikayat na magkaroon ng sign language interpreters sa bawat Parokya sa ngayon po kasi parang masasabi din natin meron tayo scarcity ng interpreters hindi po lahat ng Parokya ay meron interpreters.” Ayon pa kay Flormata.
Umaasa si Flormata na sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya at pamamaraan ng paghahatid ng mabuting balita ay kasabay din nitong mabibigyan ng ibayong pansin aang karapatan ng mga may kapansanan sa mga Simbahan.
“Isa po sa misyon natin ay maging full participation of PWD’s in the life of the Church kung minsan naiisip natin yun mga tao kapag PWD palagi silang recipients ng biyaya pero sa totoo lang kapag ang mga PWD binigyan ng pagkakataon makikita natin ang kamay ng Diyos sa kanila sila din ay may kakayanan na magbahagi para sa simbahan.”dagdag pa ni Flormata.
Kaugnay nito, tiniyak ni Jon Demapilis, Assistant Program Coordinator ng AMO-PDM na sila ay bukas para makipagtulungan sa mga institusyon na nais magbahagi ng kanilang programa para sa mga PWD’s partikular na sa Archdiocese of Manila.
“Yun kanilang mga pangangailangan, physical needs nila, like education, livelihood, mga rehabilitation and medication ito ay nagiging bahagi din. May mga network tayo sa government offices na nagbibigay ng services through the ministry na nagiging daluyan ng mga government at mga private institutions para sa mga PWD’s sa mga parishes ng Archdiocese of Manila”. Paliwanag ni Demapilis.
Hinikayat ni Demapilis ang mga pamilya o komunidad na mayroon miyembro na PWD na buksan ang kanilang sarili para matutunan ang mga tamang pamamaraan upang magkalinga at magbigay ng oportunidad sa mga may kapansanan.
“May mga network tayo na skilled professionals. Mga training and understanding na binabahagi ng Ministry time to time sa mga parents nila sa mga personal assistants at sa mga coordinators na din sa mga parokya.” Kapwa nanindigan si Flormata at Demapilis na kailangan lamang pataasin ang kamalayan ng mga naglilingkod sa Simbahan upang mabigyan ng pagkakataon ang mga may kapansanan na maging kabahagi nito. “Kapag po naging aware sila sa pag-handle ng PWD ministry im sure hindi sila magdadalawang isip talaga kaya bukas po ang aming ministry handa po kami magbigay ng sensitivity awareness [sa mga parokya].”
Sa datos ng Philippine Statistics Authority noong taong 2016, hindi bababa sa 12 porsyento ng mga Pilipino ang nakakaranas ng kapansanan mula sa edad na 15 pataas. Sa mensahe na inihayag ni Pope Francis kasabay ng paggunita sa International Day of Persons with Disability noong Disyembre ng taong 2020, muli nitong ipinaalala na ang mga may kapansanan ay may karapatan na tumanggap ng mga sakramento at serbisyo ng Simbahang Katolika.