668 total views
300 pamilya ang nagsilikas sa Camarines Sur dulot ng pananalasa ng bagyong Paeng.
Ayon kay Caceres Archdiocesan Social Action Director Fr. Marc Real, 334 pamilya o 1,582 indibidwal ang mga nagsilikas sa 17 parokyang sakop ng Arkidiyosesis.
Patuloy naman ang Arkidiyosesis sa pakikipag-ugnayan sa bawat parokya upang maayos na maipamahagi ang mga paunang tulong at iba pang pangangailangan ng mga evacuees.
“Iyong ibang parokya ay may inoorganize na soup kitchen, nagluluto sila ng mga pagkain para sa mga evacuees. On the part naman ng Caritas Caceres, nagbibigay din kami ng mga food stub, canned goods at ilang necessities bilang karagdagang tulong,” pahayag ni Fr. Real sa panayam ng Radio Veritas.
Nabanggit din ni Fr. Real na kasalukuyang walang kuryente ang lalawigan ng Camarines Sur, habang ligtas namang nadadaluyan ang mga pangunahing kalsada bagamat mayroong naitalang landslide sa lalawigan.
Maliban sa tulong at donasyon, nananawagan din si Fr. Real na ipanalangin ang mga higit na apektado ng bagyong Paeng upang magkaroon ng katatagan ng loob at muling makabangon sa hinaharap na pagsubok.
Batay sa ulat ng Albay Public Safety and Emergency Management Office, walang naitalang nasawi sa pananalasa ng Bagyong Paeng kasunod ng pagpapatupad ng pre-emptive evacuation sa lalawigan upang matiyak na ligtas ang mga residente sa kalamidad.