312 total views
Patuloy na nagsasagawa ng pagtulong ang Archdiocese of Palo para sa mga naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Agaton sa lalawigan ng Leyte.
Ayon kay Rev. Fr. Alcris Badana, Direktor ng Caritas Palo, nasa ikalawang bahagi na sila ng paghahatid ng relief goods para sa mga naapektuhan ng bagyo at landslide partikular na sa bayan ng Abuyog.
Sinabi ni Fr. Badana na umabot sa mahigit 18 libong pamilya ang nasalanta ng Bagyong Agaton habang mahigit sa 50 ang naitalang nasawi dahil sa naganap na landslide.
Nagpahayag ng panalangin at pakikidalamhati ang Arkidiyosesis para sa mga nawalan ng mahal sa buhay kasabay ng pagtitiyak na patuloy silang kikilos upang umagapay sa mga biktima.
Iniulat ng Pari na umabot na sa mahigit 500 relief goods ang kanilang inihatid sa mga evacuation camps at Parokya na nakakasakop sa mga nasabing lugar na tinamaan ng bagyo.
“We conducted solicitation drive para tulungan [sila] and then meron din tayo naka stocks na dito sa office meron tayo naka prepare para immediately makapag relief operation [tayo]. May mga nakatugon naman sa call for donation natin that is why noong Holy Thursday nakapag first wave na kami ng relief [operation],” mensahe ni Fr. Badana sa Radyo Veritas.
Kaugnay nito nagpadala naman ng P150 libong piso na tulong pinansiyal ang Caritas Manila para sa Arkidiyosesis ng Palo.
Una nang nagpadala ng tulong ang manila based-social arm ng tig-200 libong piso sa Arkdiyosesis ng Capiz at Diyosesis ng Maasin na kapwa din napinsala ng bagyong Agaton.
Read: https://www.veritasph.net/400k-ipapadalang-tulong-ng-caritas-manila-sa-mga-sinalanta-ng-bagyong-agaton/
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Office o NDRRM mahigit sa 2 milyong indibidwal ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Agaton sa Visayas.