406 total views
Nagbunyi ang Arkidiyosesis ng Zamboanga sa karangalang hatid ni Hidilyn Diaz sa Pilipinas bilang kauna-unahang atletang nag-uwi ng gintong medalya sa Olympics.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Zamboanga Auxiliary Bishop Moises Cuevas labis ang kagalakan ng buong arkidiyosesis sa tagumpay na natamo ni Diaz sa larangan ng palakasan na magdudulot ng inspirasyon sa mamamayang Filipino partikular na sa mga Zamboangueno.
“On behalf of Archbishop Romulo T. Dela Cruz, the Clergy and the Lay Faithful of the Archdiocese of Zamboanga, I wish to congratulate Hidilyn Diaz for winning the Philippines’ first ever Olympic gold medal. We are all rejoicing in your victory for bringing joy and honor to our country especially to Zamboanga City,” pahayag ni Bishop Cuevas sa Radio Veritas.
Si Diaz ay nagmula sa Barangay Mampang sa Zamboanga na nagsimulang kahiligan ang weightlifting sa edad na siyam na taong gulang.
Sa isinagawang Tokyo Olympics 2020 sa Japan nagtagumpay si Diaz na makuha ang gold medal sa women’s 55-kilogram weightlifting noong July 26.
Umabot sa kabuuang 224-kilogram ang binuhat ni Diaz para makamit ang gintong medalya mas mataas kumpara sa 223-kilogram ni Chinese Olympian at silver medalist Liao Qiuyun.
Pinuri ni Bishop Cuevas ang matatag na pananampalataya ng atleta kung saan labis itong nagpasalamat sa Diyos ng makamit ang unang gintong medalya para sa Pilipinas sa halos 100-taong paglahok sa nasabing kompetisyon.
“Indeed, you are a point of reference of hard work, altruism, devotion to the Blessed Virgin Mary, whom you dearly venerate as Nuestra Senora La Virgen del Pilar, and faith in God, whom you proclaim is your strength. I ask the Lord to bless you and La Virgen del Pilar to keep you,” ani Bishop Cuevas.
Nagpaabot din ng pagbati ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pagkapanalo ni Diaz habang pinasasalamatan naman ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang atleta sa karangalang hatid sa bawat Filipino sa gitna ng iba’t ibang hamong kinakaharap lalo na ng pandemya.
Matatandaang 2018 naging panauhin si Diaz sa ‘A listening with Cardinal Luis Antonio Tagle’ sa Philippine Conference on New Evangelizations kung saan ibinahagi nito ang hirao na pinagdaanan at kung paano natuklasan ang dakilang pag-ibig ng Diyos at maging masidhi ang pananampalataya.
Naglaan naman ng 2.5 milyong piso ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga City bilang gantimpala kay Diaz maliban pa sa 10-milyong pisong mula sa pamahalaan at mahigit 20-milyong piso naman mula sa pribadong sektor.