190 total views
Umapela ang Archdiocese of San Fernando, Pampanga ng tulong para sa mga residente na apektado pa rin ng pagbaha dulot ng ilang araw na pananalasa ng Habagat.
Sa datos na ipinadala ng Social Action Center of Pampanga, umabot sa 41, 408 na pamilya o 182,730 indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha sa kanilang lalawigan partikular na sa munisipalidad ng Sto. Tomas, Guagua, Lubao, Sta. Rita at lungsod ng San Fernando.
Aabot naman sa 10 mga parokya ng Archdiocese of San Fernando ang apektado ng pagbaha at nangangailangan ng tulong.
“Ten parishes in the affected municipalities of Sto. Tomas, Guauga, Lubao and Sta. Rita and the City of San Fernando are appealing for assistance. May we then request your good office to extend the assistance they need, the most vital are ready to eat and easy to cook food and drinking water, hygiene kit (soap and towel, toothbrush and toothpaste) and medicine for cough, colds and skin allergies,”apela ni Father Kenneth Alde, Social Action Director ng Archdiocese of San Fernando.
Kaugnay nito, inihayag naman ng Diocese of Imus sa lalawigan ng Cavite na nagpadala sila ng 10 kaban ng bigas para sa mga residente na naapektuhan din ng pagbaha sa bayan ng Rosario, Tanza at Cavite City.
Una naman nang nagsagawa ng relief operation ang Diocese of Malolos sa dalawang Bayan ng Bulacan kung saan aabot sa halagang 40 libong piso ang ipinadala nito para sa may 250 pamilya sa Meycauyan at Marilao.
Sa datos ng NDRRMC aabot sa halos 20 libong mga pamilya ang naapektuhan ng pagbaha dulot ng Habagat habang nasa 13 na ang nasasawi.