693 total views
August 20, 2020-2:20pm
Tiniyak ng Archdiocese of San Fernando, Pampanga ang mahigpit na pagsunod sa ipinatutupad na safety health protocols bilang pag-iingat mula sa pandemic novel coronavirus.
Sa inilabas na direktiba ni San Fernando Archbishop Florentino Lavarias ay iginiit ng Arsobispo ang pagsunod sa pagpapatupad ng mga safety health standards sa lahat ng mga parokya at institusyon ng Simbahan upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa mula sa COVID-19.
Kabilang sa mga safety health protocols na ipinatutupad ng arkidiyosesis ay ang pagsusuot ng face masks, face shield, physical distancing, madalas na disinfection sa simbahan matapos ang pagsasagawa ng banal na misa, pagsusuri sa temperatura at ang paghuhugas ng kamay gamit o kaya naman ay paggamit ng alcohol.
Bukod pa rito ang pagtatala ng mga dumadalo sa misa sa logbook na maaring gamitin para sa contract tracing.
Ayon sa Arsobispo, ipinapaalala rin na huwag munang dumalo sa Parokya kung may karamdaman, maging ang mga senior citizen at mga batang wala pa sa edad na 21.
Sa halip ay pansamatala munang makibahagi sa misa sa pamamagitan ng radio, telebisyon at sa internet.
Sa huli pinaalalahanan rin ng Arsobispo ang bawat mananamapalataya na patuloy na manalangin ng Oratio Imperata at ipanalangin ang pamamagitan ng Virgen de los Remedios na kilala rin bilang ‘Indu ning Kapaldanan’ na siyang pintakasi ng lalawigan upang ipag-adya ang bawat isa mula sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Sa Pampanga umiiral ang Modified General Community Quarantine (MGCQ) kung saan pinapayagan ang pagdalo ng publiko ng hanggang sa sampung porsiyento ng kapasidad ng simbahan.