37,903 total views
Nagpaabot ng pasasalamat ang Arnold Jannsen Kalinga Foundation sa Diyosesis ng Kalookan at sa pamunuan ng La Loma Cemetery para sa pakikipagtulungan sa nakatakdang itayong ‘Dambana ng Paghilom – Himalayan ng mga Biktima ng EJK’.
Ayon kay Arnold Jannsen Kalinga Foundation Inc. Founder and President Fr. Flavie Villanueva SVD, mahalaga ang pagpapahintulot ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na magamit sa loob ng 40-taon ang 100 square meters space sa La Loma Cemetery upang pagtayuan ng ‘Dambana ng Paghilom’ na magsisilbing huling hantungan ng mga biktima ng marahas na implementasyon ng War on Drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte.
“The kind Bishop, Bishop Ambo David allowed us to use this 100 square meters space for 40-years that is very very generous, we thank him and his council and the administration of the La Lola Cemetery.” Ang bahagi ng mensahe ni Fr. Villanueva sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ng Pari, aabot sa 400 na mga urns ng mga biktima ng EJK ang maaring ihimlay sa 100 ispasyo ng Dambana ng Paghilom kung saan tatlo hanggang apat na mga urns ang maaring magkasya sa bawat isang ispasyo.
Umaasa naman si Fr. Villanueva na marami pang mga grupo o institusyon ang sumunod sa inisyatibo ng Arnold Jannsen Kalinga Foundation na pagpapatayo ng naaangkop na himlayan para sa lahat ng mga biktima ng karahasan ng nakalipas na administrasyong Duterte.
“Ito po ay magkakaroon ng, we are expecting at least 100 holes that would fit at least 3 to 4 urns inside so we are talking to about at least 400 urns inside. Again, this is just the first, I wish I hope others will follow.” Dagdag pa ni Fr. Villanueva.
Una ng inihayag ni Fr. Villanueva na layunin ng kauna-unahang EJK Memorial Site na tinaguriang Dambana ng Paghilom na mabigyan ng dignidad at pagpapahalaga ang lahat ng mga biktima ng EJK sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang naaangkop na himlayan at huling hantungan.
Matatandaang binigyang diin ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na mahalaga ang sinisimbolo ng nakatakdang itayo na Dambana ng Paghilom para sa mga biktima ng marahas na implementasyon ng War on Drugs ng nakalipas na administrasyong Duterte na isang kongkretong paalala na hindi na dapat na hayaang muling maulit pa ang naganap na karahasan sa lipunan.
Giit ng Obispo na siya ring pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), walang sinuman ang may karapatan na kumitil ng buhay ng kapwa nilalang sapagkat sagrado ang kaloob na buhay ng Panginoon sa sangkatauhan.