33,941 total views
Ginawaran ng pagkilala ng iVolunteer Philippines ang Arnold Janssen Kalinga Foundation sa naganap na iVolunteer’s Partner Appreciation Night noong ikalawa ng Marso, 2024.
Ang iVolunteer Philippines ay isang nonprofit charitable organization na nagsisilbing largest volunteer portal sa bansa o nagsisilbing tulay sa mga nagnanais makibahagi sa iba’t ibang volunteer organization sa buong bansa.
Partikular na iginawad ng iVolunteer Philippines ang ‘Volunteer Engaging New Partner of the Year’ sa Arnold Janssen Kalinga Foundation bilang bagong katuwang na organisasyon o NGO partner mula noong 2023 na may pinakamataas na volunteer feedback at pinakamadaming ‘engaged volunteers’ noong nakalipas na taon.
Ikinalugod naman ng Arnold Janssen Kalinga Foundation ang pagkilalang iginawad ng iVolunteer Philippines bilang bagong katuwang na organisasyon mula noong nakalipas na taon.
“We’re blown away by the recognition! Thank you to iVolunteer Philippines for recognizing us as their “New Partner of the Year”. We’re so honored to be working with such an inspiring group. Thank you for a wonderful night!” Bahagi ng pahayag ng AJKF.
Inihayag ni Rev. Fr. Flavie Villanueva – Founder ng St. Arnold Janssen Kalinga Center ang Arnold Janssen Kalinga Foundation na itinatag ng Society of Divine Word (SVD) Congregation noong 2015 ay bunga ng pagnanais na matugunan ang pagdami ng mga mahihirap partikular na ang mga palaboy na walang sariling tahanan sa kalakhang Maynila.
Unang inihayag ng Pari na may tatlong bahagi ang misyon ng Arnold Janssen Kalinga Center na pagbibigay ng pangkabuuan at sistematikong pagpapahalaga sa dignidad ng bawat nangangailangan, pagkakaloob ng alternative learning system at mapagkakakitaan upang muling maibalik ang self-worth ng bawat isa para sa pagkakaroon ng panibagong buhay.
Naitatag ang iVolunteer Philippines noong 2009 matapos ang Bagyong Ondoy na naglalayong magsilbing gabay sa mga nagnanais na tumulong at magbahagi ng kanilang mga donasyon at panahon sa mga volunteer organizations para sa iba’t ibang sektor na nangangailangan sa lipunan.