222 total views
April 6, 2020, 1:47PM
Nangangamba ang pinunong pastol ng Arkidiyosesis ng Ozamiz kung sakaling palalawigin ng pamahalaan ang ipinatupad na community quarantine.
Ayon kay Archbishop Martin Jumoad, malawak ang epekto nito sa bawat sektor ng lipunan partikular sa mga mahihirap kaya’t mahalagang makipagtulungan ang bawat isa upang tuluyang masupil ang paglaganap ng virus.
Binigyang diin ng arsobispo na apektado rin maging ang mga maliliit na parokya sa mga liblib na lugar sa mga lalawigan dahil walang mga misa.
“Sa totoo lang, if the informal sectors are affected much more the parishes in the provinces,” pahayag ni Arcbishop Jumoad sa Radio Veritas.
Aminado ang Arsobispo na bagamat patuloy ang simbahang katolika sa pag-ayuda sa mga labis na nangangailangan ay marami namang naghihirap na parokya din.
Pagbabahagi ni Archbishop Jumoad na may mga parokya tulad sa bayan ng Concepcion at Don Victoriano sa Misamis na karamihan ay mga tribu kaya’t walang sapat na kakayahang pinansyal.
Dahil dito, umapela ang arsobispo na bukod sa pagtulong sa mga mahihirap na komunidad na tulungan din ang mga parokyang naapektuhan sa pagkansela ng mga misa.
“Charity begins at home, tulungan din natin ang mga pari at parokya sa mga lalawigan lalo na ang mga nasa liblib na kanayunan,” dagdag ni Archbishop Jumoad.
Sa kasalukuyan, sinusuportahan ng arsobispo ang pangangailangan ng mga pari tulad ng pagkain at bayarin sa kanilang mga parokya.
Magugunitang nasa isang bilyong pisong gift certificate na ang naipamahagi ng Caritas Manila sa tulong ng Project Ugnayan ng mga negosyante kung saan nakinabang dito ang mahigit sa tatlong milyong maralita sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Patuloy pa rin ang pagkilos ng iba’t-ibang diyosesis sa bansa upang tulungan ang mamamayan sa gitna ng krisis dulot ng COVID 19.