14,028 total views
Umapela si Cebu Archbishop Jose Palma sa mamamayan na suportahan ang inisyatibo ng Aid to the Church in Need na ‘One million children praying the rosary’.
Ayon sa arsobispo mahalagang tulungan ang mga batang mahubog ang pananampalataya at mapalalim ang ugnayan sa Panginoon.
Aniya nararapat suportahan ang mga kabataan at magbuklod ang pamayanan sa pananalangin lalo na sa natatanging intensyon na makamit ang kapayapaan ng daigdig.
“Please support the One Million Children Praying the Rosary campaign. How beautiful to imagine that at this early age, they are united in honoring Mama Mary. Let us come together in prayer to attain peace in every corner of the world,” pahayag ni Archbishop Palma sa Radio Veritas.
Sinabi ng arsobispo mahalaga ang mga panalangin para sa kaayusan sa mga bansa sa Middle East na kasalukuyang nahaharap sa iba’t ibang banta ng karahasan gayundin ang iba pang lugar sa Europa.
Sa October 18 kasabay ng kapistahan ni San Lucas, ebanghelista ay muling isasagawa ng ACN ang sabayang pananalangin ng Santo Rosaryo para sa pagkakaisa at kapayapaan ng sanlibutan.
Gayundin ang kaligtasan ng mga kristiyanong nakararanas ng pang-uusig dahil sa kanilang pananampalataya.
Tema sa pagdiriwang ngayong taon ang “Pray the Rosary and there will be peace” na isa sa mga kahilingan ng Mahal na Birhen ng magpakita sa tatlong bata sa Fatima Portugal.
Isasagawa ng ACN Philippines ang One Million Children Praying the Rosary na Tinig ng Pag-asa ng mga Munting Alagad sa Malolos Cathedral – Immaculate Conception Parish Cathedral & Minor Basilica ng Diocese of Malolos sa alas nuwebe ng umaga.
Sa mga lalahok sa gawain maaring i-download ang prayer kits sa millionchildrenpraying.org. para magamit bilang gabay sa pananalangin.