160 total views
Umaasa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Mutual Relations na magkaroon ng maayos at patas na implementasyon ang bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Tinukoy ni Archdiocese of Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma ang patas na pagpapatupad ng development projects sa mga lugar kung nasaan ang mga minority tulad ng Lumads at iba pang Indigenous people communities sa rehiyon.
Iginiit ng Arsobispo na hindi lamang dapat na tutukan ang kaayusan at pag-unlad ng Muslim communities kungdi maging ng mga minority group.
“Kasama na rin yan yung implementation of development projects especially for the mga minority areas, not only among the Muslim communities but also sa mga Lumads of indigenous people communities sapagkat marami rin ang mga cultural or indigenous people communities in Mindanao…” pahayag ni Archbishop Ledesma sa panayam sa Radyo Veritas.
Naninindigan ang Arsobispo na mahalagang mapabilang ang lahat ng mga taga-Mindanao sa pagsusulong kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon.
Ibinahagi naman ni Archbishop Ledesma ang ginagawang hakbang ng iba’t-ibang grupo at institusyon kasama ang Simbahan ang pagsasagawa ng mga “Peace conversation” sa mga komunidad upang mapakinggan at maintindihan ang mga paninindigan at pangangailangan ng mga Muslim, Lumads,Kristiyano at iba pang katutubong grupo sa Mindanao.
“We’ve been caring out yung tinatawag naming peace conversation in order to listen and then to understand yung rights of remote communities among the indigenous people and also what are their aspirations for peace and development…” pahayag ni Archbishop Ledesma.
Sa ilalim ng BARMM, pangangasiwaan ng Bangsamoro government ang lahat ng inland waters, magiging magkatuwang naman ang BARMM at Department of Energy sa mga lugar na ginagamit bilang enerhiya habang lahat ng kita mula sa natural resources sa loob ng BARMM ay mapupunta sa Bangsamoro government.
Samantala, responsibilidad pa rin ng national government ang depensa at seguridad ng BARMM.
Kaugnay nito, umaasa naman ang iba’t ibang sektor ng lipunan maging ang Simbahan na magsilbing daan ang BARMM para sa minimithing pangarap ng mga Muslim, Kristiyano, Lumads at iba pang katutubong tribo para sa isang mapayapang rehiyon.
Batay sa tala may aabot sa 18 minority tribe ang matatagpuan sa Mindanao.