240 total views
Ipinaalala ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity na ang Miyerkules ng Abo na hudyat ng pagsisimula ng kwaresma ay panawagan ng pagbabago, tulad sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si na ecological conversion.
Paliwanag ng Obispo, ang pagkukulang, pag-abuso at kapabayaan ng tao sa kalikasan ay mga kasalanang dapat aminin at pagsisihan.
Kasabay ng pag-amin at pagsisisi, binigyang diin ng Obispo na mahalaga din ang pagbabago ng pag-uugali at gawi ng pamumuhay upang maramdaman ng mga tao ang kanilang kaugnayan sa kapwa at sa kalikasan na nilikha ng Panginoon.
“Ang Ash Wednesday ay panawagan ng pagbabago, at yan din ang panawagan ng Laudato Si, Ecological Conversion. Pangalawa ang panawagan ng Ash Wednesday o ng Lent ay ang pagsisisi, ibig sabihin aminin natin ang ating mga pagkukulang upang magkaroon ng pagbabago, at dito sa kalikasan malaki ang pagkukulang natin. Sinabi ni Pope Francis ang pag-abuso at kapabayaan sa kalikasan ay isang kasalanan, kasi may relasyon din tayo sa kalikasan na gawa ng ating ama. Kaya’t dito dapat aminin sana natin ang ating mga pagkukulang at ihingi ng tawad.” Pahayag ni Bp. Pabillo sa Radyo Veritas.
Samantala, hinimok din ng Obispo ang mga mananampalataya na mangilin o magtimpi, bilang bahagi ng mga dapat gampanan ng isang katoliko tuwing panahon ng kwaresma.
Hinikayat ni Bishop Pabillo ang mga Katoliko na bawasan ang pagkain ng mga karne o ang tinatawag na red meat bilang pag-sasakripisyo at sa halip ay kumain na lamang ng mga isda at gulay.
Ayon pa sa Obispo, bukod sa pangingilin ay makabubuti din ito sa kalusugan ng mga tao at sa kalikasan dahil ang sobrang pagkain ng mga karne ay nakapagdudulot ng iba’t-ibang karamdaman sa katawan ng tao.
Bukod dito, maiiwasan din ayon sa Obispo na makapasok sa katawan ng tao ang mga Genetically Modified Organisms na karaniwang ipinakakain sa mga baboy at baka.
“Kaya isang magagawa natin, sana bawasan natin ang pagkain ng karne, ng meat. Ito ay mabuti sa ating katawan, kalusugan, at ito’y mabuti sa kapaligiran, at hindi lang yan, yung mga GMO na pinapakain sa mga baka, sa mga baboy, yan din ay kinakaian natin. Kaya yung mga genetically modified organisms ay pumapasok din sa atin sa pamamagitan ng kinakain natin na mga karne. Kaya kung babawasan natin yan ay makakatulong tayo sa kalikasan at makakatulong tayo sa ating kalusugan.” Dagdag pa ng Obispo.
Una nang isinulong ng himpilan ng Radyo Veritas ang No Meat Friday upang mabawasan ang nakasanayang dami ng pagkonsumo ng tao sa red meat na nakasasama sa kalusugan at sa kalikasan.
Ngayong taon inaasahan na ang 86 na porsyento ng populasyon sa Pilipinas ay makikiisa sa pagsisimula ng panahon ng kwaresma.
Kaugnay dito, inaanyayahan naman ng Radyo Veritas ang mga mananampalataya na dumalo bukas sa Banal na Misa para sa Miyerkules ng Abo, ganap na alas dose ng tanghali, na pangungunahan din ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo.