542 total views
Hindi dapat na maging maligalig ang mga kabataan sa pagkakasabay ng Araw ng mga Puso at Miyerkules ng Abo ngayong ika-14 ng Pebrero.
Ito ang panawagan ni Rev. Fr. Conegundo Garganta, Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Youth sa magkaparehong petsa ng Valentines Day at Ash Wednesday ngayong taon.
Paliwanag ng Pari, parehong sumisimbolo ang Araw ng mga Puso at Miyerkules ng Abo sa pagmamahal at pag-ibig kaya’t magkaugnay ang dalawang okasyon.
Sa ganitong konteksto, hinimok ni Fr. Garganta ang mga kabataan na pagnilayan ang iniaalay na pag-ibig ng Panginoon para sa kaligtasan ng sangkatauhan mula sa kasalanan.
“Nagkataon po sa araw na ito, tumapat sa araw ng mga puso o Valentine’s Day ang pagdiriwang ng Ash Wednesday pero huwag po tayong magkaroon ng pagkaligalig tungkol sa bagay na ito kung tutuusin po ang Krus na ating inaalaala sa pasimula ng Miyerkules ng Abo o Ash Wednesday ay ang puso ng Diyos na hinubog para sa ating kaligtasan kaya tingnan po natin ang pagdiriwang na ito na isang pagdiriwang ng pagpapakilala sa atin ng Diyos ng kanyang pagmamahal, ng kanyang pag-ibig…” pahayag ni Fr. Garganta sa panayam sa Radyo Veritas.
Ngayong taon ay natapat ang paggunita sa Miyerkules ng Abo sa ika-14 ng Pebrero na siya ring Araw ng mga Puso.
Ang Miyerkules ng Abo ang hudyat ng pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma o ang 40 araw na paghahanda para sa paggunita ng pagpapakasakit ni Hesus sa Krus upang tubusin ang sanlibutan mula sa kasalanan.
Una na ring nanawagan ang Kanyang Kabanalan Francisco sa mga mananampalataya na ang panahon na Kwaresma ay isang pambihirang pagkakataon na makapag-balik loob sa Panginoon sa pamamagitan ng taos pusong pagsisisi, pagbabagong buhay at pagtulong sa mga nangangailangan.