205 total views
Patuloy ang assessment ng Diocese of Legazpi sa mga naapektuhan at nasira ng bagyong Nina sa Albay.
Ayon kay Fr. Rex Arjona, Social Action Center director ng diocese, ito’y bagamat hindi naman gaanong nakapaminsala ang Bagyo sa maraming lugar doon.
Kabilang sa mga lugar na dinaanan ng bagyo ang mga bayan ng Tiwi, Malinao, Oas, Polangui, Libon at Tabaco na ang ilan ay nalubog sa baha at nasira naman ang mga bahay na gawa sa light material sa mga coastal area sa Kiwi.
Kaugnay nito, nasira rin ang ilang water system sa ilang bahagi ng Albay at wala pa ring supply ng kuryente dahil na rin sa mga nagtumbahang mga puno at tore ng kuryente.
Sinabi pa ni Fr. Arjona na hindi naman naging problema ang supply ng pagkain sa kasagsagan ng bagyo dahil maging ang mga mahihirap na pamilya ay may pinagsaluhan dahil sa Pasko subalit magiging suliranin aniya ito sa mga susunod na araw lalo na sa mga pamilyang nawalan ng tirahan at kabuhayan.
“Tinamaan kami pero hindi malubha, pinaka worst sa bayan ng Tiwi, Malinao, Oas, Polangui, Libon at lungsod ng Tabaco. Sa Malinao binaha sila waste to neck high deep, sa kasagsagan ng Pasko at wala namang casualties. Sa Kiwi, coastal areas na barangay lahat ng bahay na gawa sa light material nasira, then maraming puno at poste ng kuryente ang natumba, nasira din dito ang mga water system, so walang water system na gumagana kaya hirap sa supply ng tubig. Sa Polangui may 3 casualties. Buong probinsiya ng Albay at ilang part ng Sorsogon walang power, may several tower na sinira ng bagyo gumagawa sila ng paraan now na magkaroon ng kuryente. Sa pagkain, masuwerte ng konti may konting ipon ang mga pamilya para sa pagkain nila dahil Pasko, ang poorest community ang pinaka-naapektuhan ang bahay at kabuhayan ang problema sa mga susunod na araw,” pahayag ni Fr. Arjona sa panayam ng Radio Veritas.
Si Nina ang pang-14 na bagyo na pumasok sa Pilipinas ngayong taon mula sa humigit kumulang 20 kada taon.