322 total views
Mariing kinondena ng grupong Couples for Christ Foundation for Family and Life ang pagdaraos ng Ateneo Pride March, o One Big Pride noong ika-15 ng Hunyo.
Binigyang diin ng CFC-FFL, na mayroon lamang dalawang kasarian na nilikha ang Panginoon at ito ay ang lalaki at babae.
Anila, ang LGBTQIA+ ay mga kasariang likha lamang ng makamundong lipunan at ang pagsasagawa ng homosexual acts gaya ng pakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae ay isang imoral na gawain.
Naninindigan din ang CFC-FFL na ang mensahe ng LGBT Pride Celebration ay taliwas sa katuruan ng simbahang katolika.
Iginiit ng grupo na iginagalang at nirerespeto nito ang mga LGBT subalit hindi ang mga imoral na gawain at ang pagsusulong ng pagsasama ng dalawang taong pareho ang kasarian.
“We aver that all persons deserve respect and compassion. In reality, gays in the Philippines are well accepted and not just tolerated. They certainly are not discriminated against nor persecuted.” pahayag ng CFC-FFL.
Nanawagan naman ang CFC-FFL sa mga Catholic schools, mga Pari at mga Obispo na paigtingin ang pagtuturo ng Catholic Education kung saan binibigyang pagkilala ang tunay na sekswal na oryentasyon ng bawat tao na nakabatay sa moral na pamantayan ng simbahan.
“We call on the Ateneo, and all Catholic universities, to return to the very nature of Catholic education, and that is to raise strong Catholic men and women, who also are properly schooled. We call on our bishops to educate the faithful on authentic Catholic teaching on homosexuality, and to strongly defend the faith, especially in Catholic institutions of learning, which are forming the young minds of our Catholics.” panawagan pa ng grupo.
Matatandaang naglabas ang Congregation for the Catholic Education sa Vatican ng dokumentong may titulong “Male and Female He Created Them.”
Ang dokumentong ito ay nagsilbi ring panawagan sa mga pamilya, paaralan at sa buong lipunan upang matutunan ng mga bata at kabataan ang orihinal na katotohanan sa kasarian na pagkalalaki at pagkababae.