107,258 total views
Mga Kapanalig, noong ika-10 ng Disyembre, kasabay ng Human Rights Day, naglayag ang Christmas convoy ng Atin Ito Coalition mula El Nido sa Palawan patungong Lawak Island sa West Philippine Sea (o WPS). Sa makasaysayang pangunguna ng mga sibilyan, hangad ng convoy na maghatid ng mga pamaskong donasyon sa mga sundalo, coast guard, mangingisda, at kanilang mga pamilyang nasa mga teritoryo ng Pilipinas—mga teritoryong pilit inaagaw ng Tsina.
Sakay ng TS Kapitan Felix Oca, ang mother ship ng convoy, at apatnapung fishing boats ang dalawandaang civil society volunteers, kabataan, katutubo, mangingisda, at mga journalists. Kasabay rin ng convoy ang tatlong barko ng Philippine Coast Guard (o PCG). Sa kalagitnaan ng kanilang paglalayag ay bumuntot ang apat na barko ng Tsina. Dahil dito, nagdesisyon ang kapitan ng mother ship na bumalik na lamang sa Palawan alang-alang sa kaligtasan ng mga sibilyan. Sa kabila nito, nakalusot naman ang isang maliit na barkong parte ng convoy at matagumpay na naihatid ang ilang donasyon sa Lawak Island.
Ang kauna-unahang civilian-led supply mission na ito sa WPS ay napakahalaga lalo na’t kamakailan ay may mga insidente na naman ng pambu-bully ng Tsina sa Pilipinas. Ilan lamang sa ginawang pagha-harass ng mga barko ng Tsina noong nakaraang linggo ay ang ramming o pagbangga sa mga sasakyang pandagat natin, pagbomba gamit ang water cannon, at paggamit ng long-range acoustic device sa mga barko ng Pilipinas. Naganap ang mga insidenteng ito sa Bajo de Masinloc at Ayungin Shoal na parte ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Napakahalagang ipakita natin ang suporta at pakikiisa natin sa mga kababayan nating nasa WPS. Wika nga ni Fr. Robert Reyes na nagdaos ng misa sa barko: “Ang issue ng WPS ay para bang napakalayo sa mga tagasiyudad—sa Maynila, sa mga urban centers” na tila “alien” ang mga islang naroroon. Kaya naman, dagdag niya, “[napakahalagang] puntahan hindi lang ng mga coast guard at mga sundalo kundi ng mga karaniwang mamamayan” ang mga isla sa WPS. Ang teritoryong ito na nasa periphery o dulo ng bansa ay mahalaga at, giit ni Fr. Reyes, “kailangang pumasok sa kamalayan ng mga mamamayan” ang usapin tungkol sa ating soberanya.
Para naman sa co-convenor ng WPS Atin Ito Coalition na si Rafaela David, umaasa silang magbibigay-daan ang inisyatibong ito na i-normalize o gawing pangkaraniwan ang pagkilos at paglalayag ng mga Pilipino sa teritoryo natin. Aniya, ipinakita ng paglalayag na itong posible ang pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor at grupo para sa iisang layunin—ang ipagtanggol ang West Philippine Sea. Binanggit din ng co-convenor na pinaplano ng grupong magsagawa muli ng misyon sa WPS sa susunod na taon. Ipinahayag naman ng PCG na handa silang tumulong muli sa misyong ito.
Isang mahalagang prinsipyo sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang solidarity o pakikiisa sa mga nangangailangan. Sa kanyang mensahe sa publiko noong 2020, sinabi ni Pope Francis na ang solidarity ay nakaugat sa katotohanang lahat tayo ay nilikhang kawangis ng Diyos. At hindi lamang tumitigil ang solidarity sa pagrespeto sa bawat isa. Kasama rin dito ang pagtulong sa kapwa kapag sila ay inaapi at nasa panganib. Ang solidarity ay ang determinasyon nating makamit ang kabutihang panlahat—ang kabutihan ng bawat isa—dahil responsabilidad natin ang isa’t isa.
Mga Kapanalig, ipakita natin ang pagmamahal natin sa bayan—ang pakikiisa natin sa mga kababayang nasa frontlines ng laban para sa sovereign rights natin sa West Philippine Sea—hindi lamang sa salita kundi pati sa gawa, gaya ng wika sa 1 Juan 3:18. Gaya ng sigaw ng mga civilian volunteers na nanguna sa Christmas convoy, “Atin ito!”
Sumainyo ang katotohanan.