338 total views
Inaasahan ng makakalikasang grupong Alyansa Tigil Mina na magiging makabuluhan ang pagpapastol ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula, hindi lamang sa Simbahan, kundi maging sa pagpapalaganap ng malasakit sa kalikasan.
Ayon kay Jaybee Garganera, national coordinator ng grupo, ang talino at paninindigan ni Cardinal Advincula ay tiyak na makatutulong upang mapakinggan ang hinaing ng kalikasan, maging ng mga nasa mahihirap na komunidad na lubhang apektado ng iba’t ibang pangyayari sa kapaligiran.
“Ngayong panahon ay humaharap tayo dito sa makabagong hamon ng nagbabagong klima – modern challenge of climate change. So alam naman natin na ang gusto nating direksyon ay kung paano natin mapapangalagaan ‘yung sangnilikha… Alam namin na ‘yung talino, ‘yung conviction at commitment ni Cardinal Advincula ay naririyan para pangunahan tayong lahat,” pahayag ni Garganera sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, dalangin naman ng grupo na nawa’y si Cardinal Advincula ay patuloy na pagkalooban ng lakas ng loob at patnubayan ng Panginoon sa kanyang panibagong misyon sa Simbahan.
Gayundin ang pagkakaroon ng tamang pamumuno na makatutulong para mahikayat ang mga mananampalataya sa pagbabagong kinakailangan ng kalikasan upang ito’y lubos na mapangalagaan para sa kapakinabangan ng lahat at ng susunod na henerasyon.
“Nananalangin tayo na biyayaan ng Panginoon natin si Cardinal Advincula nung lakas ng loob at nung tamang pamumuno para lahat tayo ay maabot natin yung ecological conversion na inaasam nating lahat,” saad ni Garganera.
Maiuugnay ang Episcopal motto ni Cardinal Advincula na “Audiam” o ang ibig sabihi’y nakahanda itong makinig, sa mensaheng nakasaad sa ensiklikal na Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco hinggil sa pakikinig sa hinaing ng mundo at mga mahihirap.
Kilala rin ang Cardinal sa kanyang pagiging makakalikasan dahil ito’y dalubhasa sa iba’t ibang uri ng matatandang puno, kaya ninanais niyang maipalaganap ang pagtatanim ng mga ito upang makatulong sa pagpapanatili ng ating nag-iisang tahanan.
Hunyo 24, 2021 nang italaga si Cardinal Advincula bilang ika-33 Arsobispo ng Maynila sa pangunguna ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown.