13,732 total views
Nananawagan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang Alyansa Tigil Mina upang imbestigahan ang pagdukot sa dalawang environmental defenders na sina Francisco “Eco” Dangla III at Axielle “Jak” Tiong.
Ayon sa ATM ang pagdukot kina Dangla at Tiong ay paglabag sa karapatan ng mamamayan na malayang ipahayag ang pagnanais na maipagtanggol ang kalikasan laban sa pang-aabuso at pinsala dulot ng mga mapinsalang proyekto.
Iginiit ng grupo na ang pangangalaga sa kalikasan ay karapatang dapat kilalanin at pangalagaan, kaya naman hindi makaturungan ang paggamit ng karahasan sa sinumang tumututol sa mga gawaing pumipinsala sa kapaligiran.
“We call on government authorities to immediately investigate the abduction and to exert all its efforts to locate, surface and release Jak and Eco,” panawagan ng ATM.
Nababahala naman ang ATM sa patuloy na mga kaso ng pag-atake sa environmental defenders sa Pilipinas.
Batay sa tala na sa nakalipas na 10-taon, naitala ang Pilipinas bilang pinakamapanganib na bansa sa Asya para sa environmental human rights defenders.
“We call on the PBBM administration to resolve all cases of enforced disappearances, killings and human rights violations against environmental activists,” ayon sa ATM.
Sa salaysay ng mga nakasaksi sa insidente, Marso 24 nang dukutin ng mga hindi kilalang indibidwal at sapilitang pinasakay sa van sina Dangala at Tiong.
Una nang kinondena ng Caritas Philippines ang marahas na pagdukot sa dalawang biktima na pawang mga pinuno ng Pangasinan People Strike for the Environment Inc. (PPSEI) at miyembro ng Lingayen-Dagupan Archdiocesan Ministry on Ecology.
Nakilala ang dalawa dahil sa kanilang matapang na pagpapahayag ng pagtutol sa offshore mining sa Pangasinan.