581 total views
Suportado ng Alyansa Tigil Mina (ATM) ang naging pahayag ni presidential candidate Ka Leody de Guzman hinggil sa usapin ng pagmimina sa bansa.
Ayon sa grupo, malinaw na inihayag ni de Guzman ang mga kinakailangan at dapat na isaalang-alang upang lubos na mapangalagaan ang mga pinakakaingatang yaman ng bansa.
Gayundin ang pagtataguyod sa kapakanan at karapatan ng mga katutubo na inaabuso at pinapaalis sa kanilang mga lupain upang maisakatuparan ng mga makapangyarihang korporasyon ang adhikain ng mapaminsalang pagmimina.
Giit pa ng ATM na katulad din ng mga plataporma ni de Guzman ang mga panukalang itinataguyod ng grupo tungo sa makatwirang industriya ng pagmimina at pag-unlad ng bansa.
“We express our thanks and solidarity with Ka Leody on his positions to protect the rights of affected communities, preserve our ecology and ensure genuine sustainable development for all Filipinos,” pahayag ng ATM.
Sa isinagawang Catholic E-Forum sa Radio Veritas, sinabi ni de Guzman na dapat na muling ipatupad ang mining moratorium upang ipagbawal ang operasyon ng pagmimina sa bansa.
Iminungkahi rin ng kandidato na bawiin at muling pag-aralan ang Mining Act of 1995 nang sa gayo’y maging angkop sa kasalukuyang kalagayan ng bansa at hinaharap na suliranin ng kalikasan.
Abril 2021 nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order No. 130 na winakasan ang nine-year mining moratorium at nagpapahintulot sa pagsasagawa ng mining operations sa bansa para makatulong sa pagbangon ng ekonomiya mula sa krisis dulot ng pandemya.