210 total views
May mga kasong nangangailangan lamang ng dayalogo sa pagitan ng magkabilang panig upang maresolba at hindi na umabot pa sa pagkakakulong.
Ito ang pagbabahagi ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari – Chairman of CBCP Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education kaugnay sa programa ng diyosesis sa pag-o-audit at pagtulong sa ilang mga kaso na maari pang maayos sa pamamagitan ng pag-uusap at pagkakasundo ng magkabilang panig.
Ayon sa Obispo, may ilang mga kasong natulungan ang kanilang diyosesis kung saan tuluyan ng inurong ahil sa pag-uusap at pagkakasundo.
“With us meron po kaming mga workers sa parokya na naglalakad po, especially inaalam talaga yung mga kaso ng mga kapatid natin ino-audit, at masaya ako kasi madami po yung nagpafacilitate, napapalabas nila sa kulungan dahil wala naman pong talagang ganun kabigat na kasalanan kung minsan mayroong mga cases kailangan lang i-facilitate yung dialogue dun sa offended party at after facilitating yung dialogue yun nga nagiging daan para mapatawad nung offended party at iurong na yung kaso…” pahayag ni Bishop Mallari sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, naniniwala ang National Union of People’s Lawyer na dahil sa kahirapan at kakulangan sa kaalaman sa kanilang mga karapatan kayat maraming mga bilanggo ang hindi na naipaglalaban ang sarili mula sa mga akusasyon at kaso sa hukuman.
Sa kasalukuyan batay sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology, umaabot na sa higit 100-libo ang bilang ng mga bilango sa higit 400 kulungan sa buong bansa na nakalaan lamang para sa 26-na-libong inmates.
Lumalabas na halos 80-porsyento ng mga bilanggo sa bansa ay labis sa kapasidad ng mga kulungan.
Samantala, bukod sa parusang kamatayan ay unang nagpahayag ng hindi pagsang-ayon ang Kanyang Kabanalan Francisco sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo na labag sa dignidad ng tao at pagkakataong muling makapagbago.