195 total views
Lubos ang pasasalamat ni Caritas Manila Executive Director Rev. Father Anton CT Pascual sa isang milyong pisong Direct Aid Program (DAP) grant na ipinagkaloob ng Australian Embassy sa Caritas Margins.
Ayon kay Fr. Pascual, malaki ang maitutulong na nasabing halaga upang mas mapaunlad at makilala sa merkado ang mga produkto na gawa ng mahihirap na Filipino.
“Nagpapasalamat tayo sa Australian Embassy lalong lalo na kay Ambassador Amanda sa kanilang muling pagsuporta sa atin for the third time para matulungan itong Caritas Margins sa ating ginagawang product development, packaging and marketing ng mga produkto ng mga poor micro entrepreneurs,” pahayag ni Fr. Pascual.
Idinagdag ng pari na sa pamamagitan ng DAP ay makakabili ang Caritas Margins ng mga kagamitan na paglalagyan ng produkto at modernong makinarya para sa mas epektibong produksyon.
“Kailangan natin ng equipments tulad ng mga estante kung saan doon natin ilalagay ang mga gulay na gawa ng farmers mula sa Baguio Diocese. Nakikipagpartner tayo sa mga simbahan sa iba’t ibang probinsya. Marami d’yan talagang healthy vegetables and fruits at kina-cut natin ang middle man para mas malaki ang kita ng farmers,” ani Fr. Pascual.
Sa tala, kumita ng 18 milyong piso ang Caritas Margins noong nakaraang taon habang 11.7-milyong piso naman ang gross sales ng social enterprise program mula Enero hanggang Hulyo 2017, mas mataas ng 17-porsiyento kung ikukumpara sa parehong panahon noong 2016.
Samantala target ng Caritas Margins na kumita ng 30-milyong piso bago matapos ang taon kung saan kalahati nito ay mapupunta sa mga micro entrepreneur habang ang natitirang bahagi ay siya namang tutustos sa pagpapaaral ng mahihirap na kabataan sa ilalim ng Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) ng Caritas Manila.
Una ng ipinanawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pagsusulong ng mga proyekto na magbibigay ng pagkakataon sa mga dukha na makapagsimula ng bagong buhay.