185 total views
Mga Kapanalig, isa sa mga sikat na pangaral ni Pope Francis ay ang sinabi niya sa isang homilya na “authentic power is service.”
Ang tunay na kapangyarihan ay paglilingkod. Ang sinumang may tàngang kapangyarihan ay dapat na inuuna ang pagtatanggol sa kanyang mga pinaglilingkuran, lalo na ang mahihirap, mahihina, at isinasantabi. Sila ang mga inisa-isa sa Ebanghelyo ni San Mateo 25:31-46 na magiging batayan ng huling paghuhusga sa atin: ang mga nagugutom, mga nauuhaw, mga dayuhan, mga walang kasuotan, mga maysakit, at mga bilanggo. Tunay ang paglilingkod ng mga may kapangyarihan kung tunay ang pag-ibig nila sa mga taong pinakanangangailangan ng pagtatanggol.
Ilang tulog na lang, pipili na tayong muli ng mga lider ng ating bansa. Nakalulungkot—bagamat inaasahan na natin—na habang papalapit ang araw na ito, mas tumitindi ang bangayan at batuhan ng putik ng ilang nagpiprisentang maging bagong mga pinuno ng ating bayan.
May mga kandidatong pinaaatras ang kanilang kalaban dahil sila raw ang mas karapat-dapat na piliin ng mga botante. Bukambibig nila ang “pagkakaisa” samantalang inuubos nila ang kanilang lakas at oras sa pagbatikos sa kanilang kalaban, habang tikom naman ang kanilang mga bibig sa mga maling ginagawa at pagsisinungaling ng iba pang tumatakbo. Sa halip na ilantad ang katotohanang dapat malaman ng publiko, tila ba nagiging kasabwat pa sila ng mga nagtatago ng kung ano ang totoo at ng mga nakikinabang sa katiwalian sa pamahalaan.
Anong uri ng kapangyarihan ang nais makamit ng mga pulitikong hindi pinahahalagahan ang katotohanan?
May mga kandidato namang kampante na sa kanilang popularidad kahit pa wala silang konkreto at malinaw na tugon sa mga isyu ng bayan. Naghihintay na lamang daw sila ng araw ng kanilang pagbabalik sa poder. Hindi na raw nila pag-aaksayahan ng panahon ang mga debate at talakayan kung saan mailalahad nila ang kanilang mga plano. Hindi na nila sasagutin ang mga nagtutuwid sa mga kasinungalingang ikinakalat nila. Ang mahalaga para sa kanila, maraming tao ang napaniwala at naloko nila. Ang mahalaga para sa kanila, nasa kanilang likod ang mga maimpluwensya at may pera, kahit pa napatunayang nagnakaw ang mga ito noong sila ay nasa posisyon pa.
Anong uri ng kapangyarihan ang hangad ng ganitong mga pulitikong hindi sineseryoso ang layunin ng pulitikang maglingkod sa mga tao?
Sa huli, nasa ating mga kamay bilang mga botante ang kapangyarihang pumili ng mga taong hindi lamang mamamalakad ng pamahalaan kundi gagamitin ang pamahalaan upang paglingkuran ang bayan. Sa atin nagmumula ang kapangyarihan ng sinumang uupo sa pamahalaan, kaya marapat lamang na gamitin nila ito upang maglingkod. Sabi pa nga ni Pope Francis, “Only those who serve with love are able to protect!” Ang mga naglilingkod nang may pag-ibig ay ang mga taong kaya tayong ipagtanggol.
Sa iyong mga napupusuang iboto, masasabi mo bang pag-ibig sa mga Pilipino ang tunay na nag-uudyok sa kanilang maghangad ng posisyon sa pamahalaan? Paano mo masasabing paglilingkod sa bayan, lalo na sa mahihina at isinasantabi sa lipunan, ang tunay nilang hangarin? Sinu-sino ang mga tunay na sumusuporta sa mga kandidato mo—ang mga ordinaryong mamamayan bang dapat paglingkuran ng mga lider o ang mga tiwali at maykayang gagamitin ang kapangyarihan ng mga lider para sa pansarili nilang interes?
Mga Kapanalig, may ilang araw pang natitira upang suriin at pagnilayan nating mabuti kung sinu-sino ang mga pangalang mamarkahan natin sa balota. Kung naniniwala tayo sa sinabi ni Pope Francis na “authentic power is service,” tingnan natin kung sinu-sino ang tunay na maglilingkod gamit ang kapangyarihang ipagkakatiwala natin sa kanila sa loob ng anim na taon. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ito.
Sumainyo ang katotohanan.