14,241 total views
Nagpahayag ng pagkabahala ang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa patuloy na mga paglabag sa karatapang pantao, at kawalang katarungan sa bansa makaraan ang 52-taon.
Ito ang pagninilay ni Caritas Philippines President Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo sa paggunita ng ika-52 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa ika-21 ng Setyembre.
Ayon sa Caritas Philippines, nakababahala ang patuloy na karahasan at nararanasang kahirapan ng mga mamamayan higit 5-dekada makalipas na ideklara at matapos ang 14-taong batas militar sa bansa.
“On the anniversary of the declaration of Martial Law in the Philippines, Caritas Philippines, the social action arm of the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), expresses deep concern over ongoing threats to human rights, justice, and the well-being of Filipinos.” pahayag ng Caritas Philippines.
Ibinahagi ng Caritas Philippines na sa kabila ng pagtatapos ng batas militar ay patuloy pa ring umiiral sa bansa ang diwa ng authoritarian regime na makikita sa mga patakaran sa bansa, mahinang pagpapatupad ng mga batas, ang paniniil sa kalayaan ng mga kritiko ng pamahalaan at pagsasantabi sa maliliit na sektor at mahihirap na komunidad.
Ikinadismaya ng social action arm ng CBCP ang kawalan ng makabuluhan at ganap na pagtugon sa hinahanap na katarungan at pananagutan ng mga kapamilya ng mga biktima ng iba’t ibang pang-aabuso at karahasan noong panahon ng batas militar.
Dismayado rin ang Caritas Philippines sa hindi pagtupad sa pangakong mga reporma sa pamahalaan kung saan patuloy pa ring umiiral ang impunity sa lipunan.
“Despite the passage of time, the legacy of Martial Law continues to cast a long shadow over our nation. While the Marcos regime has fallen, its authoritarian spirit lingers, manifesting in policies and practices that suppress dissent, marginalize vulnerable communities, and undermine the rule of law. We note with disappointment the lack of significant progress in addressing the injustices committed during Martial Law. Victims and their families still seek justice and accountability, while impunity remains a pervasive problem. The government’s failure to fully implement necessary reforms has left many with a sense of unfulfilled promises.” Dagdag pa ng Caritas Phillippines.
Panawagan ng Caritas Philippines na sa muling pagbabalik-tanaw at pag-alala sa itinuturing na madilim na kasaysayan ng bansa ay muling magkaisa ang bawat Pilipino sa pagsusulong ng isang makatarungan, patas at demokratikong Pilipinas.
Ayon sa Caritas Philippines, “As we commemorate this dark chapter in our history, let us renew our commitment to building a just, equitable, and democratic Philippines. Together, we can work towards a future free from the fear and oppression that characterized the Martial Law era.”
Muli namang tiniyak ng social action arm ng CBCP ang patuloy na paninindigan ng Simbahang Katolika sa pagbibigay ng espiritwal at moral na paggabay upang matiyak na hindi na muling maulit pa ang awtoritaryan na paraan ng pamamahala sa bansa gayundin ang pagsusulong sa mga adbokasiya na nakabatay sa mga panlipunang turo ng Simbahan na nagbibigay-diin sa dignidad ng tao, katarungan, kapayapaan, at pangangalaga sa mga mahihirap at mga naisasantabi sa lipunan.
Taong 1972 nang magdeklara ng Martial Law ang rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. kung saan September 21, 1972 ang petsang nasasaad sa Proclamation 1081 ngunit September 23, 1972 na ng malaman ng mamamayang Pilipino na nagsimula na ang Martial Law o ang Batas Militar.
Sa loob ng 14 na taon mula ng ideklara ang Martial Law noong September 21, 1972 samu’t saring pang-aabuso sa karapatang pantao ang naranasan ng mga Filipino kung saan batay sa datos ng Amnesty International 70, 000 katao ang nakulong dahil sa paglaban sa gobyerno, 34, 000 ang pinahirapan habang mahigit tatlong libo ang biktima ng extrajudicial killings.
Nagwakas ang rehimeng Marcos at Martial Law na tumagal ng 14 na taon sa pamamagitan ng mapayapang EDSA People Power Revolution noong taong 1986 sa pangunguna ng mga Pari, Madre at mga Pilipino mula sa iba’t ibang antas ng lipunan alinsunod na rin sa naging panawagan ng noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin sa himpilan ng Radyo Veritas.