382 total views
Pinasalamatan ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia (AVOSA) si Bishop-Emeritus Paul Hinder sa taus-pusong paglilingkod sa mananampalataya sa Middle East.
Ayon kay AVOSA Vicar General Filipino Franciscan Capuchin Fr. Troy de los Santos, malaki ang naitulong ni Bishop Hinder na mapayabong ang kristiyanismo sa lugar na mayorya ay mga Muslim.
Inilarawan ng pari ang pagiging masigasig ng obispo sa pamamahala sa nasasakupang kawan kasama ang mga lingkod ng simbahan sa bikaryato.
“As a Missionary-Bishop you have encouraged us to step out without fear, as a pilgrim people into the mission. As our leader you have led us always with a heart for Christ and Christ’s people. You bear witness to the spirit within you, and you have led us with humility, wisdom and grace,” bahagi ng mensahe ni Fr. delos Santos sa Radio Veritas.
Tinukoy ng pari ang pagsisikap ni Bishop Hinder na magbuklod ang mamamayan sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw at pananampalataya sa Middle East at binigyang pagkakataon ang bawat isa na mapakinggan.
Pinamunuan ni Bishop Hinder ang Vicariate of Arabia ng 18 taon na may mahigit isang milyong katoliko o katumbas ng 2.3-percent sa kabuuang 43 milyong populasyon.
Tiniyak naman ni Fr. delos Santos ang pakikipagtulungan kay Bishop Paolo Martinelli ang bagong talagang obispo ng AVOSA upang maipagpatuloy ang mga programang sinimulan sa termino ni Bishop Hinder.
Sa mensahe ni Bishop Martinelli na isinalin ni Fr. delos Santos sa Filipino, sinabi nitong ipagpatuloy ang synodality batay sa panawagan ng Santo Papa Francisco.
“Sa pagsisimula ng aking paglilingkod, at alinsunod sa patnubay ni Papa Francisco, nais kong bigyang-diin ang kahalagahan na higit pang itaguyod ang sama-samang paglalakbay sa ating Simbahan,” bahagi ng mensahe ni Bishop Martinelli.
Sisikapin ng obispo na gampanan ang pagiging pastol ng bikaryato upang tulungang umunlad ang buhay pananampalataya at isulong ang pagiging simbahan sa iisang katawan ni Kristo na binubuo ng iba’t ibang kultura, espirituwal na tradisyon at maging ng mga rito.
Magugunitang aktibo ang mga Filipino migrants sa Middle East sa pakikilahok sa mga gawain ng AVOSA lalo na ang pagdalaw ni Pope Francis noong 2019. (With reports Rommel Pangilinan)