685 total views
Hinimok ng mga opisyal ng Apostolic Vicariate of Southern Arabia (AVOSA) ang mamamayan ng United Arab Emirates kabilang na ang mga Overseas Filipino Workers na makiisa sa vaccination program ng bansa.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Rommel Pangilinan, social media director ng Katolikong Pinoy sa Abu Dhabi, sinabi nitong hinikayat ni Filipino priest at AVOSA Vicar General Fr. Troy Delos Santos ang mananampalataya na magpabakuna kontra coronavirus.
“Si Fr. Troy [Delos Santos] ay very encouraging sa mga parishioners sa vaccination program para sa proteksyon ng bawat isa,” pahayag ni Pangilinan.
Nagtulungan ang Saint Joseph Cathedral ng Abu Dhabi at SEHA hospital para mabakunahan ang mananampalataya sa lugar kung saan humigit kumulang sa 7, 000 katao ang tumanggap ng Sinopharm vaccine sa dalawang araw na libreng pagbabakuha na ginawa sa simbahan.
Una nang hinikayat ni AVOSA Apostolic Vicar Bishop Paul Hinder ang mamamayan ng U-A-E na suportahan at makiisa sa vaccination program.
Pinasalamatan ng Obispo ang mga lider ng bansa sa inisyatibong maglunsad ng programang portektahan ang mamamayan laban sa nakahahawang virus.
Bagamat may agam-agam si Pangilinan at iba pang mamamayan sa lugar hinggil sa bakuna, ipinagkatiwala naman nito sa Diyos ang bisa ng gamot.
“Very hesitant talaga akong magpabakuna, since ipinagdasal ko naman itong vaccine somehow bigay din siguro ito ni Lord; para sa proteksyon sa sarili ko at sa mga katrabaho ko,” ani Pangilinan.
Sa tala ng health ministry ng UAE nasa 263, 729 ang kumpirmadong kaso ngunit sampung porsyento lamang nito ang aktibo o katumbas sa 27-libong kaso lamang. (with reports: Rommel Pangilinan)