18,374 total views
Homiliya para sa Unang Araw ng Simbang Gabi, Ika-16 ng Disyembre 2023, Juan 5:33-36
Tungkol sa SIMBAHANG NAGMIMISYON ang magiging general topic ng ating mga pagninilay nitong buong simbang gabi. Ito kasi ang pinaka-buod na layunin ng isang simbahang “sinodal” o sa simpleng salita, simbahang bukas at laging handang lumabas sa sarili para makilakbay sa bawat kapwa-tao. Makasaysayan ang kasalukuyang nagaganap na “Synod on Synodality” sa buong Simbahang Katolika. Nagsimula ito noong October 2021. Kung naaalala pa ninyo, mula sa parish level, umakyat ang mga konsultasyon sa simbahan sa national at continental assemblies at nagbunga naman ito ng working document para sa global level.
Sa global level naman, katatapos lang nitong nakaraang October 2023 ng first session ng Synod sa Rome. Kasama ako sa 370 voting delegates na nag-participate. Dahil “work in progress” pa ito, ang 40-pages na synthesis report na ibinunga ng first session ay ibinalik sa mga local churches sa buong mundo para mapag-aralan, bilang preparasyon para sa second session na mangyayari next year, sa October 2024, at magbubunga naman ng mga resolutions na isa-submit kay Pope Francis, at ilalabas ng Santo Papa bilang isang apostolic exhortation sa bandang simula ng 2025 na idedeklara bilang Jubilee Year ng simbahan.
Para sa araw na ito, ang pinaka-summary ng ating pagninilay ay isang kasabihang Pilipino na alam nating lahat: “Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang gawa.”Parang likas na napaka-relihiyoso nating mga Pilipino. Bukambibig natin ang “May awa ang Diyos,” pag tinanong tayo kung mangyayari ba o hindi ang mga pinapangarap natin sa buhay. Pero mukhang alam din natin na kahit totoong nakasalalay ang buhay natin sa awa ng Diyos, hindi naman ito basta mangyayari kundi tayo kikilos o gagawa. Kahit naniniwala tayong hulog ng langit ang mga biyayang tinatamasa natin, alam din natin na hindi naman literal na nahuhulog ang mga ito mula sa langit. Pinapaisip ng langit pero tinatrabaho pa rin natin.
Madalas kasi kahit may tiwala tayo sa Diyos nakakalimutan natin na may tiwala din ang Diyos sa atin. Kaya ang tunay na patotoo sa awa ng Diyos ay ang mga mabubuting bagay na halos imposible ang dating sa unang tingin pero napangyayari natin o naisasagawa. Ito ang sinasabi ni Hesus sa ating ebanghelyo na mas mahalagang patotoo kesa sa patotoo o endorsement ni Juan Bautista.
Siguro dahil mataas ang pagtingin ng mga Hudyo kay Juan Bautista, kinailangan pa nila ang opinyon ni Juan kung magtitiwala ba sila o hindi sa pamumuno ni Hesus. Kumbaga sa job applicant para ba siyang sinabihan: “ok ka na kasi malakas ang nagrecommend sa iyo.”
Kaya nasabi ni Hesus, “May patotoo na higit pa kaysa kay Juan.” Kahit nga si Juan dumating din sa punto na nagduda siya kung nagkamali ba siya ng pagkilala kay Hesus dahil sa mga intrigang nakaabot sa kanya. Habang nakabilanggo kasi siya, nakaabot sa kanya ang balita na itong inindorso niya ay nakikipag-inuman sa mga lasinggero, nakikisosyalan sa mga tax collectors at prostitutes. Kaya ang tanong na ipinaabot niya ay, “Sabihin mo nga sa akin kung nagkamali ako ng pagpapakilala sa iyo,para humanap na lang kami ng iba?” At ang sagot ni Hesus ay, “Sabihin ninyo kay Juan ang nakikita ninyo at naririnig…” Ibig sabihin, iyong totoo lang ang ireport sa kanya: ang mga mabubuting bagay na naisasagawa ng Ama sa pamamagitan ni Hesus: nakakakitang muli ang mga bulag, nakakalakad na muli ang mga lumpo, napapagaling ang maysakit, at nakakarinig ng mabuting balita ang mga dukha.
Ito rin ang punto ni Propetang Isaias sa ating unang pagbasa. Akala ng mga Hudyo parusa ng Diyos sa mga kasalanan nila ng pagkakasakop at pagkawasak ng kanilang bayan sa mga mananakop. Malay ba nilang magiging daan lang ito upang maipaabot ng Panginoon ang liwanag ng kaligtasan sa lahat ng mga bansa sa buong daigdig. Hindi pala ito sumpa kundi pagpapala. (Blessing in disguise, ika nga) Dahil saan man sila napadpad sa alinmang sulok ng daigdig dala-dala nila ang kanilang pananampalataya nila. Paraan lang pala ito ng Diyos upang kumbaga sa tolda mapaluwagan ng Panginoon ang espasyo sa loob nito. Na niloob pala talaga niya na magkaroon ng maraming silid sa bahay niya para mas marami ang mapapasok niya. Kaya pala tayo din dapat maging laging handang makilakbay at maglaan ng lugar sa bawat kapwa dito sa mundo.
Parang naulit ang kuwento ng mga Hudyo sa mga Pilipinong OFW. Sila ngayon ang nagiging mga bagong misyunero, sabi nga ni Papa Francisco. Bukod sa Timor Leste, tayo lang ang bansa sa buong Asya na majority ang Katoliko. Malaki ang papel na ating dapat ginagampanan ngayon upang ang liwanag ng pananampalatayang Kristiyano ay tumanglaw sa buong Asya at buong mundo. Para matupad ang misyon nating ito, nasa Diyos ang awa, pero… nasa atin ang gawa. Maligayang pagmimisyon!