372 total views
Ito ang naririnig na himig sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City sa Liveloud 2017 Catholic Worship Concert na inorganisa ng Couples for Christ (CFC) katuwang ang youth arm nitong Youth for Christ (YFC).
Naniniwala si CFC-YFC International Coordinator Lawrence Quintero na magandang pagkakataon ang ginanap na konsiyerto upang alalahanin ang kadakilaan ng Diyos sa saliw ng mga masisiglang tugtugin na pasok sa panlasa ng mga mananampalataya partikular na sa mga kabataan.
“Music ang hilig ng mga kabataan ngayon kaya napakaimportante ng ganitong mga pagtitipon dahil habang kumakanta ka kasama ‘yung mga kabarkada mo ay naaalala mo ang kabutihan ng Panginoon at ang pagmamahal ng Diyos sa bawat isa. While we worship our God, it is a time for us to remember His goodness and faithfulness,” pahayag ni Quintero.
Kaugnay nito ay hinihikayat ni Quintero ang bawat kabataan na maging matatag sa gitna ng mga tukso sa pamamagitan ng paglapit sa simbahan na nagpapaalala ng presensya ng Panginoon at pagtanggap sa pag-ibig ni Kristo na nagligtas sa sangkatauhan.
“Napakachallenging kapag pinag-uusapan ang kabataan, ang dami nilang gustong i-try kaya si Satanas ay napakarami n’yang paraan din para ipasok ang nais na pagpatay ng ating pananampalataya. Maraming pagsubok ang pinagdadaanan ng mga kabataan ngayon, napakadali silang ma-sway. Pero naniniwala po tayo na that there is greater reality and that is the reality of the love of God that can conquer anyone. Give God a chance na mahalin tayo,” panawagan pa nito.
Sa tala, mahigit 115-libo ang bilang ng YFC members sa buong mundo kung saan 90-libo rito ay mula sa Pilipinas.
Tampok din sa selebrasyon ang pagpapatotoo nina CFC Global Mission Foundation Inc. Fulltime Pastoral Worker Julius Comia at High School-based Sector Youth Head Aira Karen Bravante kung paano binago at mas pinatatag ng Diyos ang kanilang buhay-pananampalataya.
Ang Liveloud 2017 ay dinaluhan ng nasa 16-libong CFC-YFC members na karamihan ay mga kabataan na nagmula pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.