39,852 total views
AVT Liham Pastoral
Minamahal kong mga Kristiyano sa Bikaryato ng Taytay,
Hayaan po nating magsalita ang Diyos sa atin. Maliwang ang kanyang sinasabi. Ito po ay galing kay propeta Malakias sa Biblia: “Narito pa ang isang bagay na inyong ginagawa. Dinidilig ninyo ng luha ang dambana ni Yahweh; nananangis kayo’t nananambitan sapagkat ayaw nga niyang tanggapin ang mga handog ninyo sa kanya. Itinatanong ninyo kung bakit. Sapagkat alam niyang sumira kayo sa pangako ninyo sa inyong asawa na pinakasalan ninyo nang kayo’y bata pa. Siya’y naging katuwang ninyo, ngunit ngayo’y sumira kayo sa pangako ninyo sa kanya, bagamat nangako kayo sa Diyos na maging tapat kayo. Di ba kayo pinag-isa ng Diyos sa katawan at sa espiritu? Ano ang layon niya? Upang magkaroon kayo ng mga supling na tunay na mga anak ng Diyos. Mag-ingat nga kayo – huwag magtaksil ang sinuman sa inyo sa babaing pinakasalanan ninyo nang kayo’y kabataan pa. Nasusuklam ako sa naghihiwalay, sabi ni Yahweh.” (Mal 2:13-16) Maliwanag po, I hate divorce, sabi ng Panginoon.
Totoong maraming mga problema ang hinaharap ng mga pamilya ngayon. May mga hindi pagkakasundo, kapos ang pera, may mga asawa at anak na nalululong sa bisyo, may mga magulang na pabaya at violent pa, at marami pang iba. Ang solusyon ba sa problema ay paghihiwalay? Naniniwala po tayo na ang kasal sa simbahan ay hindi lang pagkakasundo ng mag-asawa. Ito ay isang sakramento. Sa sakramento kumikilos ang Diyos. Sa sakramento ng kasal ang mag-asawa ay pinagsasama ng Diyos, kaya nakataya din ang Diyos dito. Mahaharap at malalampasan ang lahat ng problema kung sila ay may pananampalataya sa kapangyarihan at sa pag-ibig ng Diyos sa kanila. Walang imposible sa kanya. Kaya mahalagang tanungin, bahagi ba ang Diyos sa inyong pamilya? May panahon ba kayo sa kanya at humihingi ng kanyang tulong? Nagdarasal ba kayo bilang pamilya? Sinusunod ba ninyo ang kanyang mga utos sa inyong pamilya?
Habang ang Diyos ay nandiyan na nagmamalasakit sa ikabubuti ng ating pamilya, tayo rin ay magsikap at magtulungan sa ikabubuti nito. Turuan natin ang ating mga anak ng kahalagahan ng pamilya. Tugunan ang pangangailangan ng mga mas mahihina sa bahay, tulad ng maliliit na bata o ng mga lolo at lola. Kahit na bata pa sila, itanim sa puso ng inyong mga anak na ihanda nila ang kanilang sarili kapag sila ay tinawag ng Diyos na bumuo ng pamilya. Ang pagpapamilya ay isang tawag ng Diyos, hindi lang ito tawag ng laman. Sikaping hanapin ang kagustuhan ng Diyos para sa ating buhay, kasama na dito ay ang pagpapamilya. Mag-asawa lang kung may kahandaan nang magbuo ng pamilya. Huwag magmadali sa pag-aasawa.
Magtulungan ang mga magulang paano magpalaki ng mga anak nang maayos. Ito ay dapat pinag-uusapan sa mga pagpupulong ng mga Kriska sa ating simbahan. Ang mga miyembro ng mga Kriska ay tumulong na ang mga problema na dinadaan ng mga pamilya ng mga miyembro nila ay masulosyunan sa makakristiyanong pamamaraan.
Kung talagang malala na ang problema, maaari namang maghiwalay muna ang mag-asawa upang mapag-isip-isipan ang kanilang kalagayan. Legal separation ang tawag dito. Maaari mamuhay ang mag-asawa na hiwalay muna pero sila ay mag-asawa pa rin at hindi pwedeng magpakasal sa iba. Ito ay nangyayari lalo na kung may pang-aabuso mula sa isa sa kanila. Para maiwasan ang pang-aabuso, mamuhay na muna sila ng hiwalay. Kung nagbago ang ugali o naging maayos na ang relasyon, maaari muli silang magsama kasi talagang mag-asawa pa sila.
Mayroon ding tinatawag na annulment ayon sa batas. Ang mag-asawa na magpapa-annul ay may hinala na hindi naman talaga silang tunay na mag-asawa kasi sa simula ng kanilang pagsasama mayroon ng kamalian, tulad ng napilitan lang, tulad may malaking pagsisinungaling, tulad ng hindi wasto ang edad, tulad ng may kakulangan sa maturity na gumawa ng panghabang buhay na commitment. Ang mga ito ay iniimbistigahan ng simbahan at ng civil court at kung mapapatunayan, idinideklara na annulled ang kanilang kasal. Ang ibig sabihin, wala talagang kasal na nangyari. Sila ay makapag-aasawa ng iba kasi wala naman talaga silang asawa kahit may anak pa sila.
Iba ito sa divorce. Sa divorce talagang valid ang kasal ng dalawa pero sila ay idineklarang hiwalay at makapag-aasawa ng muli. Mali ito kasi nangako sila sa kasal na magsasama sila bilang mag-asawa habang buhay. Dapat maging tapat sila sa kanilang pangako sa isa’t-isa na ginawa nila sa harap ng Diyos.
Mainit na pinag-uusapan ngayon ang divorce. Ito ay pumasa na sa Lower House ng Kongreso. Kaya nakatuon ang ating atensyon ngayon sa Senado. Kailangan ng pagsang-ayon ng dalawang kamera ng Kongreso upang ang isang bagay ay maging batas. Hinihikayat natin ang ating mga mambabatas na huwag itong gawing batas kasi pinaghihina nito ang katatagan ng pamilya. Kung may divorce, hindi na siseryosohin ang pag-aasawa kasi makapaghihiwalay naman sila. Magiging kawawa dito ang mga anak at ang babaeng asawa. Sila ang nabibiktima ng divorce at sila ang nagdadala ng sugat nito sa kanilang buhay.
Pero kahit na pumasa ang divorce at ginawang batas sa ating bansa, dapat maunawaan ng lahat na ang divorce ay mangyayari lang sa mga ikinasal sa sibil. Walang divorce sa kasal sa simbahan kasi hindi lang nga ito kontrata sa mata ng Diyos. Ito ay isang sakramento at maliwanag ang sinabi ni Jesus na ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao. Kaya talagang mas mabisa ang kasal sa simbahan kaysa kasal sa huwes. Mas tumatagal ito at mas maaasahan. Pinangangalagaan ito ng Diyos kasi ginawa ito ng may pananampalataya sa kanyang pagmamahal. Iba po ang kasal sa simbahan at ang kasal sa sibil.
Tinututulan po natin ang divorce bill. Kung ito ay magiging batas, sa halip na palakasin ang institusyon ng kasal, pinahihina ito. Pero habang tumututol tayo rito, nagsisikap naman tayo sa simbahan na ihanda ang mga kabataan sa tunay na kahulugan ng pag-ibig at tulungan ng mga mag-asawa na maging malakas at maganda ang kanilang relasyon sa isa’t-isa at sa kanilang mga anak. Palakasin ng bawat Parokya at mission station ang kanilang family and life ministries. Tanggapin natin ang hamon na ito kasi ang pamilya ay ang pugad ng buhay. Kung maayos ang ating mga pamilya, magiging maayos ang ating simbahan at ang ating bayan. Ang pamilya ay ang pundasyon ng ating lipunan.
Ang kasama ninyo sa pagpapatatag ng ating mga pamilya,
Bishop Broderick Pabillo
Apostoliko Bikaryo ng Bikaryato ng Taytay, Palawan
Ika-9 ng Hunyo, 2024