863 total views
Naniniwala ang grupo ng mga magsasaka na kinakailangan ang tulong ng pamahalaan upang mapalakas ang sektor ng agrikultura.
Ayon sa ‘Federation of Free Farmers (FFF)’ at ‘Bantay Bigas’, ito dahil sa pangamba sa banta ng ‘Food Crisis’ ayon na rin sa ulat ng Department of Agriculture dulot ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon sa grupo, mahalaga ang pagkakaroon ng mga financial subsidies sa mga magsasaka at mangngisda upang maging maayos ang kanilang mga operasyon katulad ng irigasyon sa kanilang mga lupang sakahan.
“Bigyan natin sila ng subsidy para sa abono, pati sa krudo para sa kanilang mga makinarya at irrigation pump, and tulong para mailako nila ang kanilang produkto sa tamang presyo,” ayon sa mensaheng ipinadala sa Radio Veritas ni Raul Montemayor -Pangulo ng FFF.
Iginiit naman ni Cathy Estovillo-tagapagsalita ng Bantay Bigas, hindi nakatulong ang Republic Act No.11203 o Rice Tariffication Law (RTL) sa kalagayan ng mga magsasaka dahil mas pinadali ang pagpasok ng imported na bigas sa bansa.
“Sa halip na palakasin ang local production para matugunan ang kakapusan sa produksyon. RA 11203 ang solution..nag nagresulta ng pagkalugi ng mga magsasaka..Import dependent kaya kapag may problema sa presyo ng bigas ng langis sa world market..apektado agad ang ating ekonomiya,” ayon din sa ipinadalang mensahe ni Estovillo sa Radio Veritas.
Sa First Quarter ng 2022, naitala ng Philippines Statistics Authority (PSA) na bumaba sa 0.3% ang agricultural output ng Pilipinas.
Upang mapangalagaan naman ang kanilang sariling suplay ng trigo na sangkap sa paggawa ng tinapay bunsod ng digmaan ng Russia at Ukraine ay ipinatupad na ng India ang export ban ng produkto.
Una ng nanawagan ang Catholic Bishops conference of the Philippines (CBCP) na unahin at bigyang tulong ang sektor ng agrikultura lalo na ngayong panahon ng pandemya upang matiyak na may sapat na suplay ng pagkain sa bansa.