236 total views
Hindi dapat ituring bilang mga kagamitan ng mga lalaki ang kababaihan.
Ito ang mensahe ni Borongan Bishop Crispin Varquez–chairman ng CBCP Episcopal Office on Women sa panggunita ng International Women’s Month ngayong buwan ng Marso.
Ayon sa Obispo, ang prostitusyon at pang-aabuso laban sa mga kababaihan ay hindi katanggap-tanggap sapagkat walang anumang kasarian ang mas nakakaangat sa iba.
Ipinaliwanag ni Bishop Varquez na ang babae at lalaki ay ginawa ng Diyos na kanyang kawangis at biniyayaan ng dignidad.
“Men should take note that women are not objects but persons. Prostitution and abuse violate their inherent rights. Therefore, equal respect and dignity should be given to them. “God made man and woman according to his own image and likeness. Women should reclaim their power and dignity,”pahayag ni Bishop Varquez sa Radyo Veritas.
Pinagnilayan rin ng Obispo ang malaking papel na ginagampanan ng kababaihan sa kaligtasan ng sangkatauhan kung saan buong pusong tinanggap ng Mahal na Birheng Maria ang tungkuling dalhin sa sinapupunan at bigyan ng buhay si Hesus na Prinsipe ng Kapayapaan at tagapag-ligtas ng sangkatauhan.
“In the history of our salvation, a woman played a very important role: The Blessed Virgin Mary. She is the Mother of Jesus, our Saviour. In the plan of God, a woman has a very important role in procreation. In her womb, life comes as a gift from God. Through her, God forms and nurtures a new human person,” dagdag pa ni Bishop Varquez.
Hinamon ni Bishop Varquez ang mga kababaihan na gamitin ang buong kalakasan at kakayahan upang mas mapabuti ang lipunan sa pamamagitan ng pag-aaruga sa buong pamilya at pagpapalaki sa mga batang may takot at pag-ibig sa Panginoon.
“I challenge you, women, to exercise your capacity and power to transform our society for the better. Nurture what is good in your families. Raise God-loving, responsible and happy children. You have the power as catalysts for the desired change in our society. Start with yourself and your family,”hamon pa ng Obispo.
Tema ng paggunita ng 2020 National Women’s Month sa bansa ang “We Make Change Work for Women” na naglalayon na maiakma ang mga sitwasyon sa lipunan sa kapakanan ng mga kababaihan.
Nasasaad sa Proclamation No. 224 s. 1988 ang deklarasyon ng paggunita sa Women’s Week tuwing unang linggo ng Marso at ang March 8 bilang Women’s Rights and International Peace Day.
Nakasaad sa Encyclical ng dating Santo Papang si Saint John the 23rd noong 1961 na Mater Et Magistra on Christianity and Social Progress na bahagi ng tungkulin ng estado ang protektahan ang kapakanan at mga karapatan ng lahat.