375 total views
Homiliya para sa Kapanganakan ng Mahal na Birhen Maria, Huwebes, Ika-8 ng Setyembre 2022, Mat 1:18-23
Karamihan sa mga pyesta ng mga santo at santa ng simbahan ay ipinagdiriwang natin sa araw ng kanilang kamatayan. Itinuturing kasi natin ang kamatayan bilang araw ng kanilang pagsilang sa buhay na walang hanggan.
Pero sa kalendaryo ng Simbahan may tatlong tao lang tayong pinagbe-birthday o ginugunita sa mismong kapanganakan nila. Ang ating Panginoong Hesukristo sa araw ng December 25 o na tinatawag sa Ingles na “Christmas”, si San Juan Bautista kapag June 24, araw na tinatawag namang “Baptistmas”, at si Mama Mary sa araw na ito ng Sept 8 na tinatawag na “Marymas”.
At ang dalawa sa kanila, pati ang araw na sila ay ipinaglihi ginugunita rin natin: si Hesus at ang Inang Maria. Ang paglilihi kay Hesus ay sa March 25, at ang kay Mama Mary sa December 8, eksaktong 9 months bago sila ipinanganak. Bakit kaya?
Mayroong isang kasabihan sa Ingles, “Behind every great man is a woman.” Sa likod daw ng bawat sinumang lalaking dakila ay may isang babae. Palagay ko ito ang pangunahing dahilan kung bakit ipinagbe-birthday natin si Mama Mary. Para sa ating mga Kristiyano si Hesus ay hindi lang dakila kundi PINAKADAKILA, dahil hindi lang Anak ng Tao ang turing natin sa kanya kundi “Anak ng Diyos”! Kaya ang ina na nagsilang sa kanya ay espesyal din; hindi lang siya nagdalang-tao kundi “nagdalang-Diyos.” Iyon ang literal na kahulugan ng title na “Theotokos” sa Griyego: ANG NAGDALANG-DIYOS. Kaya tinatawag natin si Mama Mary bilang “Bukod na pinagpala sa babaeng lahat,” ayon sa sinabi ni Elisabet tungkol sa kanya, dahil ang ibinunga ng sinapupunan niya ang pinakamalaking pagpapala sa sangkatauhan.
Ang kuwento tungkol sa pagsilang ni Maria ay wala naman sa Bibliya. Pero maagang umusbong ang tradisyon na ito sa mga Kristiyano. Matatagpuan ito sa tinatawag na chapter 4 ng Proto-ebanghelyo ni Santiago na isinulat noong 2nd century. At mukhang iyon din ang pinagmulan ng kuwentong mababasa rin sa chapter 3 ng Qur’an, ang tinuturing na Banal na Kasulatan ng mga kapatid nating Muslim.
Isang buong kabanata ang inilaan sa Qur’an tungkol kay Mama Mary. Ang pamagat nito ay AL-IMRAN. Sa Arabic, “Hannah” ang tawag kay Sta Ana, “Imran” ang tawag kay San Joaquin, at “Mariam” naman ang tawag kay Mama Mary. Parang hawig ang kuwento ng Qur’an tungkol kay Hannah na asawa ni Imran sa kuwento ng Bibliang Hebreo tungkol kay Hannah na asawa ni Elkanah.
Di ba’t ayon sa kuwento sa chapter 1 ng Unang Aklat ni Samuel, baog daw si Hannah at sa kanyang katandaan nagdasal daw siya sa Diyos na kung pagkalooban pa siya ng anak kahit matanda na siya, itatalaga niya ito para maglingkod sa templo bilang isang pari. Natupad daw ang hiling niya at nagkaanak siya ng isang lalaki at ang pangalan ay Samuel na naging dakilang propeta.
Kaya sinasabi kong hawig, sa Kasulatan naman ng mga Muslim sa Qur’an, parang ganito rin daw ang dinasal ni Santa Ana, “Panginoon, sa iyo ko itinatalaga ang nasa sinapupunan ko, pinaging-banal mo upang maglingkod sa iyo, kaya tanggapin mo po siya mula sa akin. Kayo ang nakaririnig at nakaaalam.”
Pero nang manganak siya ang sabi daw niya sa Diyos, “Panginoon ko, babae po ang isinilang ko!” Ngunit alam na alam daw ng Diyos ang iniluwal niya, [at winika sa kanya], “Ang lalaki ay hindi tulad ng babae. At Maria ang ipinangalan ko sa kanya, at paaalagaan ko siya sa iyo alang-alang sa susunod na salinlahi, (upang sila’y mailigtas) mula kay Satanas, ang nataboy mula sa habag ng Diyos.”
At ayon sa kuwento ng Qur’an, dinala pa rin siya sa templo kahit babae siya at pinaalagaan kay Zacarias na pari noong bata pa siya.
Sa likod ng bawat dakilang lalaki ay may isang babae. Sa likod ni Jose Rizal, ang babaeng ito ay si Teodora Alonzo Realonda. Sa likod ni Ninoy Aquino naman ay Si Ginang Aurora Aquino. Sa likod ni Papa Francisco ay ang nanay niyang si Regina Maria Bergoglio.
Ang araw na ito ang dapat naging Mother’s day para sa Kristiyanismo. Di ba’t ang pinakabuod ng pagiging Kristiyano ay pagiging bahagi ng Katawan ni Kristo? Kaya mahal natin hindi lang ang Anak, kundi pati ang Ina. Ang nanay niya ay nanay din natin. Kaya buong giliw na tinatawag natin siyang “Mama Mary”, “Indung Birhen” sa Kapampangan, o “Ina” sa Bikolano. Tinotoo natin ang sinabi niya sa Minamahal na Alagad niya, “NARIYAN ANG IYONG INA.” Kaya malakas ang loob nating magpaampon sa kanyang Ina, ay dahil kaibigan at kapatid ang turing sa atin ng Anak niya.