232 total views
Tiniyak ng Environmental group na ‘Pusyon ng Kinaiyahan’ na nasa ligtas ng lugar si ‘Sheila Eballe’ ang babaeng hiniling kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang ‘quarrying’ sa Naga City, Cebu.
Si Eballe ay hindi na nakabalik sa evacuation center matapos na magreklamo sa Pangulo na ikinabahala ng kaniyang mga kaanak.
Ayon kay Bro. Tagoy Jakosalem ng Pusyon ng Kinaiyahan, humingi ng tulong si Eballe dahil na rin sa panganib sa kanyang buhay matapos magsabi ng katotohanan.
“She is safe right now, under custody ng mga religious at the same time she is in the sanctuary. Ang message po ni Shiela when we ask her ‘I fear for my safety now because they are looking for me. I was first alerted that the security personnel of Apo cement were looking for me,’ yan po ang message niya,” ayon kay Jakosalem.
Sa pahayag ni Eballe sa Pangulo, sinabi nitong hindi bagyo ang sanhi ng mga pagguho ng lupa sa Naga City na kumitil sa buhay ng marami kundi ang ‘quarrying’ ng Apo Cement sa kanilang lugar.
“Ang kaso po ng Naga City ay clear case of negligence. At makikita natin ang outmost dependency on mining ng ating mga local government,” ayon kay Jakosalem.
Tiniyak din ng grupo ang pagsasampa ng kaso laban sa nag-abuso sa kalikasan na dahilan ng malawakang pagguho ng lupa.
“Ang hakbang po ngayon ng community is really to file case. At least ngayon meron tayong mga volunteer lawyers led by Atty. Ben Cabrede isang environmental lawyer,” dagdag pa ni Jakosalem.
Ayon kay Jakosalem halos buong lungsod ng Naga ay may quarry operation na hindi na inaalintana ang mga buffer zone.
Sa Naga City, 72 katao na ang kumpirmadong nasawi habang higit sa 20 pa ang nawawala.
Tinatayang higit na rin sa pitong libo katao ang inilikas na residente dulot ng panganib sa mga posible pang pagguho ng lupa.
Mariing kinondena ng Simbahang Katolika ang pagmimina at pagsira sa kalikasan na dahilan ng malawakang landslide sa Itogon Benguet at Naga City, Cebu na sanhi ng pagkasawi ng mga naninirahan sa lugar.
Sa Itogon, Benguet una na ring tinapos ang retrieval operations habang may 73 na ang mga nahukay na katawan at apat pa ang nawawala.