342 total views
June 25, 2020-12:42pm
Nababahala ang Commission on Human Rights (CHR) kaugnay sa paglaganap ng victim blaming sa usapin ng karahasan na dinadanas ng mga kababaihan sa lipunan.
Ayon kay CHR Commissioner Karen S. Gomez-Dumpit, nakaaalarma na sa kabila ng pagkakaroon ng mga batas na nagbabawal sa anumang uri ng diskriminasyon at karahasan laban mga babae, online man o offline ay patuloy ang victim blaming na ang karamihan ay isinisisi pa sa pananamit, pag-asta at pagpresenta ng sarili ng mga kababaihan ang kanilang sinapit na karasahan.
“Nakababahala at nakaaalarma na bagama’t tayo ay may mga batas na nagbabawal sa anumang uri ng diskriminasyon at karahasan laban sa mga kababaihan, maging online o offline, laganap pa rin ito,” ang bahagi ng pahayag ni Dumpit.
Paliwanag ni Dumpit, hindi saklaw ng karapatan sa malayang pagpapahayag ang mga komentaryong nagpapalaganap ng victim blaming, misogynistic remarks at iba pang uri ng diskriminasyon laban sa mga kababaihan biktima ng karahasan.
“Pinaaalalahanan ng komisyon ang lahat na ang pagpo-post ng misogynistic remarks at mga komentaryong naghihikayat ng victim blaming at iba pang uri ng karahasan laban sa kababaihan ay labag sa batas. Hindi ito saklaw ng karapatan ng malayang pagpapahayag,” paalala pa ng opisyal ng CHR.
Giit ni Dumpit, ang paglaganap ng ganitong uri ng ideolohiya laban sa mga kababaihan ay nangangahuluhan ng paglabag sa batas at pagkukulang sa panig ng pamahalaan at cybercrime units na tugunan at papanagutin ang mga sumusuporta sa victim blaming lalo na sa social media.
“Pinaaalalahanan din ang ating mga law enforcement agencies, lalo na ang mga cybercrime units, na tugunan ang karahasang laganap ngayon sa social media. Ito ay bahagi ng trabaho ng kapulisan na kaugnay sa pagsupil ng karahasan laban sa kababaihan,” dagdag pa ni Dumpit.
Sa Encyclical ni Pope John the 23rd noong 1961 na Mater Et Magistra on Christianity and Social Progress, bahagi ng tungkulin ng estado ang protektahan ang kapakanan at karapatan ng lahat ng mamamayan lalu na ang mahihinang kasapi kabilang na ang mahihirap, kababaihan, matatanda at mga bata.