274 total views
Ito ang pananaw ng ilang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP sa pahayag ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mga sundalo sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija noong ika-22 ng Nobyembre na muling ibalik sa Philippine National Police ang pangangasiwa o pagiging lead agency sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga mula sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA na siyang may mandato sa ilalim ng Republic Act(RA)9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Itinuturing ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez at Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na maling desisyon na alisin sa PDEA at ibalik sa PNP ang mandato sa pagsugpo ng illegal drug trade sa bansa.
“This decision raises question.” pahayag ni Bishop Bacani
“Bad decision, we must pray.” Bishop Gutierrez
“This shows the manner of his rule-fickle minded and without workable plans.” Bishop Pabillo
Duda ang mga Obispo sa pahayag ng Pangulong Duterte gayong alam nito na ang PNP ay isang “failure”.
Ipinagtataka nina Bishop Pabillo at Bishop Bacani ang balakin ng pangulong Duterte sa kabila ng achievement ng PDEA sa kampanya kontra iligal na droga ng walang namamatay at naging biktima ng extra-judicial killings.
“Bishop Bacani – After the credible achievement of PDEA. After all President Digong had said that 40 percent of PNP were corrupt and he has replaced them twice and there have not been significant reforms. Digong is more interested in dead body counts”.
“Bishop Pabillo — Kung ano ang gusto, didn’t he see that the PNP was already a failure? He did not give PDEA a chance to prove itself. He did not even give it time.”
Tinawag naman ni Bishop Bacani na isang kasinungalingan ang pahayag ng pangulong Duterte na magbitiw bilang pangulo ng Pilipinas kapag hindi nito mako-control ang drug problem sa bansa.
“Big joke or lie that he will resign if he cannot control the drug problem.” pahayag ni Bishop Bacani sa Radio Veritas
Umaapela naman si Bishop Bacani kay pangulong Duterte na magpakita ng humanitarian concerns sa war on drugs ng pamahalaan.
“Mr. President, show a little humanity please.” panawagan ni Bishop Bacani.
Kaugnay nito, pinasasalamatan ni Bishop Pabillo ang Foreign media na Reuters sa ginawang expose sa madugong anti-illegal drug operation ng 15-pulis na nakatalaga sa Manila Police District sa Barangay 19, Tondo Manila noong ika-19 ng Oktubre kung saan tatlo sa pinaghihinalaang sangkot sa droga ang napatay.
Iginiit ng Obispo na ang ipinalabas na CCTV footage ng Reuters ay malakas na ebidensiya at patunay sa marahas at kawalan ng due process sa operasyon ng PNP laban sa mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga.
Naninindigan ang Obispo na hindi katanggap-tanggap at nakakagalit ang patuloy na pagpatay at marahas na operasyon ng mga pulis laban sa mga pinaghihinalaan pa lamang na mga sangkot sa ipinagbabawal na gamut.
Naganap ang pagpatay noong ika-19 ng Oktubre, isang araw bago ilipat ng pangulong Duterte sa PDEA ang pamumuno sa kampanya ng pamahalaan kontra droga.
Nabatid sa panayam ng Radio Veritas kay Sister Cresencia Lucero, Vice Chairman ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) na patuloy pa rin ang karahasan sa implementasyon ng anti-illegal drugs campaign ng pamahalaan sa ilalim ng PDEA.
Tinataya ng PAHRA na umaabot na sa mahigit 13,000 mga drug related killings simula ng manungkulan ang pangulong Duterte.