391 total views
Naghahanda na ang Diyosesis ng Butuan para magbigay ng tulong sa mga labis na nasalanta ng pananalasa ng Bagyong Odette.
Ayon kay Butuan Bishop Cosme Damian Almedilla, bagamat kabilang din sila sa nakaranas ng malakas na pag-ulan at hanging dala ng bagyo, bahagya lamang ang idinulot na pinsala kumpara sa mga karatig na diyosesis tulad ng Diyosesis ng Surigao.
Sinabi ng obispo na naghahanda na ang Social Action Commission ng Butuan para sa pamamahagi ng tulong bagama’t hamon pa rin sa kasalukuyan ang pakikipag-ugnayan dahil sa mga putol na linya ng komunikasyon.
“Yes, neighbor diocese po namin ang Surigao. We will help them on their needs. Kaso ‘di pa namin sila ma-contact ngayon,” pahayag ni Bishop Almedilla sa Radio Veritas.
Sa inilabas na situational report ng NASSA/Caritas Philippines, matindi ang iniwang pinsala ng Bagyong Odette sa Diyosesis ng Surigao kung saan maraming mga imprastraktura ang lubos na nawasak at mga residenteng nagsilikas.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nasa halos 13,000 pamilya o mahigit-44,000 indibidwal ang lubos na apektado ng nagdaang sakuna sa buong Visayas at Mindanao.
Ayon naman sa PAGASA, huling namataan ang Bagyong Odette sa kanluran hilagang-kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan na inaasahang lalabas Philippine Area of Responsibility bukas, araw ng Linggo.