174 total views
Umaasa si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity na magiging matapang at matatag sa pagdedesiyon ang bagong pangulo ng bansa.
Inaasahan din ni Bishop Pabillo na makikinig sa taumbayan ang bagong presidente at hindi lamang sa kanyang mga kaibigan at malalapit sa kanya.
“Ang palagay ko ang inasahan natin kay Duterte ay siya’y nakikinig sa taumbayan sa mga reklamo at hindi magbibingi-bingihan at ikalawa hilingin natin sa kanya na maging decisive ang kanyang action na sa halip na papanigan ang mga kaibigan, mga kasama niya, titingnan niya dapat ang pangangailangan ng taumbayan. Iyan yung hinihiling natin,” pahayag ni Pabillo
Ikakatuwa din ng Obispo kung totohanin ni Duterte ang sinasabing pagpalabas ng executive order hinggil sa Freedom of Information Bill.
Pinatutukan naman ni Bishop Pabillo sa incoming President ang pangangailangan ng mga urban poor at mabigyan sila ng maayos na pabahay sa Metro Manila at hindi itatapon sa malalayong lugar.
Iginiit ni Bishop Pabillo na malaking plus factor sa bagong pamahalaan kung matutupad ang pangako nitong tatapusin na ang malawakang problema sa contractualization para kapakanan ng mga manggagawa.
Hinimok naman ng Obispo ang taumbayan na bantayan ang mga itatalagang miyembro ng gabinete ni Duterte na makakaimpluwensiya sa kanyang pamamahala.
Kaugnay nito, ikinagalak ni Caloocan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez ang pagbibigay prayoridad ni Presumtive President Rodrigo Duterte sa panukalang Freedom of Information Bill.
Inihayag ni Bishop Iniguez na maituturing na magandang legacy ni Duterte ang pagsasabatas ng F-O-I upang mas masubaybayan ng mga mamamayan ang mga programa at mga transaksiyon na ginagawa ng iba’t-ibang sangay at kagawaran ng pamahalaan.
“As usual, dapat naman talaga tayong mga mamamayan sinusubaybayan natin yung kanilang mga ginagawa at pagmabuti yung kanilang ginagawa ay maganda yung suporta natin at kung meron naman silang ginagawa na inaakala nating hindi dapat meron naman mga fora dalhin natin dun ang ating mga complaint”. pahayag ni Bishop Iniguez sa Radio Veritas.
Naniniwala ang Obispo na mas magiging tapat ang pamamalakad sa pamahalaan kung mayroong access at mapagkukunan ng impormasyon ang mga mamamayan kaugnay sa mga pinapasok na transaksiyon ng mga opisyal ng bayan.
Inihayag sa isang pagpupulong sa Davao City ni Duterte na matapos ang kanyang opisyal na panunumpa bilang ika-16 na Pangulo ng Pilipinas ay agad siyang magpapalabas ng isang Executive Order na siyang magiging panuntunan ng FOI.
Para sa kaalaman ng lahat, napapaloob sa Article 1, Section 7 at Section 8 ng 1987 Constitution ang pagkakaroon ng karapatan ng publiko sa tamang impormasyon.