426 total views
Ikinatuwa ng mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagtalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco ng bagong kinatawan sa Pilipinas na si Archbishop Charles John Brown.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Pontificio Colegio Filipino, mabuting balita ito para sa mananampalataya lalo’t nahaharap sa krisis ang Pilipinas dulot ng corona virus pandemic na nakaapekto rin sa espiritwalidad ng tao.
“It is a very good news for us. With the appointment of new nuncio is a welcome relief and comfort for us in this trying and troubling time of COVID-19; with the physical presence of the Apostolic Nuncio, we are “sub umbra Petri” as if our beloved Holy Father is not only watching us from apart but walking with us and working for us,”pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Sinabi ng Obispo na buong kababaang loob na tinatanggap ng mga Filipino si Archbishop Brown at tiniyak ang pakikiisa at pakikipagtulungan sa paglilingkod sa mananampalataya.
Nagpasalamat naman si San Pablo Bishop Buenaventura Famadico, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Clergy sa biyaya ng bagong misyon na gagampanan ni Archbishop Brown kaisa ang mga lingkod ng simbahan sa Pilipinas.
“Isang biyaya ng Diyos na dapat ipagpasalamat,” ayon kay Bishop Famadico.
Dalangin naman ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Episcopal Commission on the Laity na maging mabunga ang misyon ng bagong kinatawan ni Pope Francis para sa mga Filipinong mananampalataya.
“This is good news for us that we have a new nuncio; we are happy to welcome him and we pray that he will have a fruitful work here in the country,” mensahe ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Itinuring din ni Novaliches Bishop Roberto Gaa na pagluwag sa ugnayan ng Vatican at Pilipinas ang pagtalaga ni Pope Francis kay Archbishop Brown na malaking bagay para sa mga diyosesis sa bansa.
Malugod din ang pagtanggap ng obispo sa bagong nuncio na maging katuwang sa paglilingkod sa mahigit 80-milyong Filipinong Katoliko sa Pilipinas.
“We welcome you to this different church; we’re always serving the people and because of this pandemic there is a new normal; a new way of loving people, a new way of serving people and we are very thankful of having had a new Nuncio to journey with us to receive guidance from the Pope,” saad ni Bishop Gaa.
Binigyang diin naman ni Bishop Gaa na napakahalaga ng pagkakaroon ng kinatawan ng Santo Papa sa bansa sapagkat isa ito sa magdedesisyon kung sino ang susunod na arsobispo ng arkidiyosesis ng Maynila na pansamantalang pinamamahalaan ni Bishop Pabillo.
“Malaking bagay na mayroong Nuncio kasi isa siya sa mag-screen kung sino ang bagong archbishop of Manila,” dagdag ng obispo.
Ika – 28 ng Setyembre kasabay ng kapistahan ng kauna-unahang santong Filipino na si San Lorenzo Ruiz ay pormal na inanunsyo ng Vatican ang pagkakatalaga ni Archbishop Brown bilang kahalili ni Archbishop Gabriele Giordano Caccia na itinalaga naman ni Pope Francis bilang permanent observer ng Vatican sa United Nations.
Kasalukuyang nuncio ng Albania ang arsobispo na tubong New York sa Amerika at naordinahang pari noong ika – 13 ng Mayo 1989.
Sa pagkakatalaga ni Archbishop Brown sa Nunciature limang lugar na lamang sa Pilipinas ang nanatiling sede vacante na kinabibilangan ng Arkidiyosesis ng Maynila, Diyosesis ng Malaybalay at Alaminos at ang Apostolic Vicariate ng San Jose Mindoro at Taytay sa Palawan.