24,085 total views
Personal na ginawaran ni Pope Francis ng Pallium ang 42 mga bagong arsobispo mula sa iba’t ibang bansa kabilang na ang nag-iisang Pilipino na bagong arsobispo ng Arkidiyosesis ng Caceres na si Archbishop Rex Andrew Alarcon.
Naganap ang paggagawad ng Pallium sa St. Peter’s Basilica kasabay ng pagdiriwang ng Banal na Misa para sa Solemnity of Sts. Peter and Paul ngayong ika-29 ng Hunyo, 2024 ganap na alas-nuebe y medya ng umaga oras sa Roma at alas-tres ng hapon naman oras sa Pilipinas.
Ang Pallium ay ‘vestment’ na gawa sa puting tela na isinusuot lamang ng Santo Papa at ng mga Metropolitan Archbishops na sumisimbolo ng suporta at pakikipag-isa sa Santo Papa bilang katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Ebanghelyo at nagpapakita ng kanilang awtoridad sa kanilang nasasakupan.
Bilang katuwang ng Santo Papa Francisco sa pagiging lingkod ng Simbahang Katolika ay muli ding nangako ng suporta ang mga bagong arsobispo sa patuloy at higit pang pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Diyos gayundin sa pangako ng kaligtasan ng Panginoon para sa sangkatauhan.
Matatandaang ika-22 ng Pebrero, 2024 nang itinalaga ni Pope Francis si Archbishop Alarcon bilang ikalimang arsobispo ng Caceres kahalili ng nagretirong si Archbishop-emeritus Rolando Tria Tirona na nanilbihang arsobispo ng Caceres sa loob ng 12-taon.
Pinangunahan naman ng kinatawan ng Santo Papa sa bansa na si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang opisyal na pagluluklok kay Archbishop Alarcon noong ikalawa ng Mayo, 2024.
Ang Ecclesiastical Province of Caceres ay binubuo ng Archdiocese of Caceres at mga Diyosesis ng Daet, Libmanan, Legazpi, Sorsogon, Masbate at Virac.
Bagamat personal na binasbasan at iginawad ni Pope Francis ang mga Pallium sa 42 bagong Arsobispo mula sa iba’t ibang bansa ay nakatakda naman sa kani-kanilang mga bansa ang ‘investiture of Pallium’ o opisyal na pagsusuot nito kung saan walang pang inilalabas na detalye ang Arkidiyosesis ng Caceres kung kailan ito magaganap sa arkidiyosesis.