669 total views
Patuloy na maninindigan ang Diyosesis ng Bayombong upang pigilan ang mapaminsalang epekto ng pagmimina sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Ayon kay Bishop Jose Elmer Mangalinao, hindi na makatarungan ang naidudulot na panganib ng pagmimina sa lalawigan lalo’t higit sa kaligtasan ng pamayanan at ng kalikasan.
“The destruction these mining companies cause far outweighs whatever benefits they give to the workers, barangays, towns, and the national government. Destruction of natural resources is written all over the land,” ayon kay Bishop Mangalinao sa panayam ng Radio Veritas.
Kasalukuyang nagpapatuloy ang operasyon ng dalawang malaking kumpanya na OceanaGold Philippines Incorporated (OGPI) sa Barangay Kasibu, Didipio at FCF Minerals Corporation sa Barangay Runruno, sa bayan ng Quezon matapos na muling pahintulutang magmina.
Nauna nang hinamon ng mga katutubong babae ng Tuwali si bagong Environment Secretary Toni Yulo-Loyzaga upang pangalagaan ang karapatan ng mamamayan at tapusin na ang deka-dekadang epekto ng mapaminsalang pagmimina sa komunidad ng Didipio.
Hiniling ni Myrna Duyan, chairperson ng Bileg Dagiti Babbae na huwag nang bigyan ng mining permit renewal ang OceanaGold, at panagutin ang kumpanya sa idinulot nitong 25 taong pinsala sa kapaligiran at paglabag sa karapatang pantao.
“It is our livelihood, our food, and our home. For all the years that OGPI has destroyed our land, we have also stood up and defended it,” ayon kay Duyan.
Dalangin naman ni Bishop Mangalinao na nawa’y lumikha ng konkretong kilos ang DENR at dinggin ang hinaing ng mga katutubong komunidad ng Nueva Vizcaya upang tuluyang mapahinto ang mapaminsalang operasyon ng malalaking kumpanya.
“We continuously express our desire to stop their operation and pray that the DENR office will be pro-environment, pro-ecology, and pro-Filipino,” saad ng Obispo.
Magugunitang Hunyo 2021 nang lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Financial and Technical Assistance Agreement No. 1 (FTTA #1) na nagpapanibago sa kontrata ng OceanaGold upang muling ipagpatuloy ang operasyon ng Didipio Gold-Copper Mining project.