1,185 total views
Pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang pagtatalaga kay Father Douglas Badong na dating Parochial Vicar ng Minor Basilica Of the Black Nazarene bilang bagong Kura Paroko ng Nuestra Señora Dela Soledad De Manila Parish.
Hinimok ni Cardinal Advincula ang bagong Kura Paroko na higit na ipakilala sa mga mananampalataya ng parokya si Hesus higit na sa bawat tahanan.
“Father Douglas, bilang Kura Paroko, wala kang kailangan ipakita kungdi si Hesus, hindi mo na kailangang magpakita gilas at magpakitang-kisig, ipakita mo lang lagi si Hesus dito sa Camba, sa mga tindahan sa Divisoria, sa mga tahanan sa mga parola, sa lahat ng tao dito sa inyong parokya,” ayon sa pagninilay ni Cardinal Advincula.
Tiniyak naman ni Father Badong na nakasentro sa pananampalataya sa Panginoong Hesu Kristo ang kaniyang misyon bilang bagong Kura Paroko.
Panalangin din ng Pari na naway makita ng mga mananampalataya ng Parokya si Hesus sa kaniyang pagsisilbi bilang bagong pastol ng simbahan.
“Ang pinaka pinagninilayan ko po ay talagang nakasentro lang sa sakramento yun yung gawain dito, yung mga binyag, kumpil, kasal na lahat po ay maging accessible para sa lahat, wala silang aalalahaning bayad dahil wala naman talagang bayad ang mga sakramento, doon po ako mag-concentrate sa aking misyong bilang kura paroko dito sa soledad,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Badong.
Si Father Badong ang humalili kay Father Jeremiah Adviento na siyam na taong nagsilbi bilang kura paroko ng Nuestra Señora Dela Soledad na nakatakdang italaga sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Santa Ana Manila.